Negosyo Serbisyo sa Barangay, inilunsad ng DTI sa Pura

PURA, Tarlac — Inilunsad ng Department of Trade and Industry o DTI ang Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay o LSP-NSB sa Cadanglaan sa Pura, Tarlac.

Layunin nito na ilapit ang programa ng pamahalaan sa mga micro, small and medium enterprises o MSMEs at gabayan sila sa pagpapalago ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng iba’t-ibang serbisyo. 

Ayon kay DTI OIC-Provincial Director Zaida Garibay, may limang benepisyaryo ang nabigyan ng mga negosyo kits sa ilalim ng LSP-NSB. 

Bukod dito, sasailalim sa pagsasanay ang mga tumanggap ng ayuda upang mas mapalawig pa ang kanilang kaalaman sa entrepreneurial development. 

Bukas din ang tanggpan ng Negosyo Center para sa iba pang pangangailangan ng mga benepisyaryo at mga indibidwal na nais magtayo ng sariling negosyo. 

Giit ni Garibay, patuloy ang pakikipagtulungan ng kanilang ahensya sa lokal na pamahalaan upang marami ang mahikayat na magsimula sa pagnenegosyo. 

Samantala, ipinaabot naman ni Mayor Freddie Domingo ang kanyang pasasalamat sa walang-patid na suporta ng pamahalaang nasyunal sa kanilang bayan. 

Aniya, malaki ang kontribusyon ng mga MSMEs sa muling pagbuhay ng kanilang lokal na ekonomiya matapos ang epekto ng COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews