NEUST-CIPE, patuloy na umaalalay sa pag-aaral ng mga katutubo

LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy na umaalalay ang Nueva Ecija University of Science and Technology – Center for Indigenous Peoples Education o NEUST -CIPE sa mga pangangailangan sa pag-aaral ng mga katutubo. 

Ayon kay NEUST- CIPE Director Arneil Gabriel, nais makatulong ng tanggapan sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng mga katutubo kahit nananatili pa ang pandemiya dulot ng COVID-19.

Aniya, naitatag ang NEUST-CIPE taong 2017 bunsod sa naging pag-aaral ng Commission on Higher Education na kakulangan sa pagkakaroon ng pormal na edukasyon ng mga katutubo hindi lamang sa Nueva Ecija kundi sa iba pang mga lugar. 

Mula rito ay binigyan ng mandato ang tanggapang tumulong sa mga pangangailangan ng mga katutubo hindi lamang sa pananaliksik tungkol sa kanilang pamumuhay at kultura kundi ay mailapit ang edukasyon sa mga kabataan. 

Kaugnay nito ay iniulat ni Gabriel na sa kasalukuyan ay nasa 102 ang mga katutubong nag-aaral ng kolehiyo sa NEUST na kung saan 35 ang mga bagong pasok bilang freshmen.

Katuwang ng NEUST-CIPE ang National Commission on Indigenous Peoples at ang Provincial Social Welfare and Development sa paghahatid ng mga aralin o module ng mga nasabing estudyanteng nagsimula na sa klase.

Mayroon ding inilunsad na proyekto ang tanggapang katuwang ang mga ahensiya’t inidibiwal na pagbibigay ng tablet o gadget sa mga higit na nangangailangang katutubong estudyante upang makadalo sa mga online classes. 

Pahayag ni Gabriel, tinutulungan din ng tanggapang mailapit sa iba’t ibang kagawaran ang mga kailangan ng mga estudyate tulad ang pagkuha ng scholarship, pagkakaroon ng libreng dormitoryong matitirhan at iba pa.

Bukod sa libreng pag-aaral sa kolehiyo ay benepisyaryo din ng ‘Tulong Dunong’ ng CHED ang humigit 60 estudyanteng katutubo ng NEUST na nakatatanggap ng tulong pinansiyal.

Dagdag pa ang limang iskolar ng University Student Government ng NEUST, at ang 47 iskolar ng pamahalaang panlalawigan na tumatanggap ng humigit tatlong libong piso kada semester. 

Paglilinaw ni Gabriel, hindi lamang mga mag-aaral ng NEUST ang nakikinabang o natutulungan ng mga programa ng NEUST-CIPE kundi pati ang kanilang komunidad, sa pagtungo ng mga pinuno sa tanggapan upang maidulog ang mga pangangailangan ng sektor.

Isa aniya sa hangarin ng NEUST-CIPE ay magkaroon ng maulad na institusyon sa mismong komunidad ng mga katutubo na layong mapatatag ang ugnayan ng sektor at tanggapan. 

Kaugnay nito aniya ay ang pagtatayo ng Kalanguya School of Heritage and Living Tradition sa bayan ng Carranglan na tututok sa pagtuturo at pagpapayaman ng katutubong kultura sa mga kabataan na medaling naiimpluwensiyahan ng malakas na grupo, social media at ibang nasyon. 

Nobyembre ng nakaraang taon nang magsimula ang pagsasaayos ng nasabing tanggapan ngunit dahil sa pandemiya ay naudlot ang pagsisimula ng mga programa para sa mga kabataan at komunidad. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews