NEUST, patuloy ang pagtanggap ng mga katutubong mag-aaral

LUNGSOD NG CABANATUAN — Patuloy na tumatanggap ang Nueva Ecija University of Science and Technology o NEUST ng mga kabataang katutubo na nais makapagaral ng kolehiyo.

Ayon kay Dr. Arneil Gabriel, hepe ng NEUST- Center for Indigenous Peoples Education o CIPE, layunin ng tanggapang maging daan upang maiabot ang mga programa at karapatan sa edukasyon ng mga kabataang katutubo nang makapagtapos sa pag-aaral. 

Aniya, bago pa man maitatag ang CIPE taong 2017 ay tumatatanggap na ang unibersidad ng mga katutubong nais mag-aral na sa kasalukuyan ay nasa 55 bilang ang estudyante.

Nakikipag-ugnayan din aniya ang CIPE sa ibang mga tanggapan upang matulungan ang mga estudyanteng makakuha ng scholarship program na malaking agapay para sa kanilang gastusin sa eskwela.

Kagaya sa pamahalaang panlalawigan na mayroong libreng dormitoryo at tulong pinansiyal para sa mga estudyante na nagsisilbing pag-asa at motibasyon nila sa pagpapatuloy ng pag-aaral. 

Bukod dito ay nagsasagawa din aniya ang tanggapan ng mga pananaliksik na may kaugnayan sa tradisyon, kultura, pamumuno at pamumuhay ng mga katutubo. 

Pahayag naman ni National Commission on Indigenous Peoples o NCIP Provincial Chief Dr. Donato Bumacas, edukasyon ang pangangailangan ng mga katutubo at susi upang umunlad.

Kung ang bawat pamilyang katutubo aniya ay mayroong isa man lang na miyembrong nakapagtapos ng pag-aaral ay tiyak na magbabago ang antas ng kanilang pamumuhay at magiging matatag sa anumang hamong darating. 

Sa kasalukuyan ay magkatuwang ang NEUST at NCIP sa pagbibigay kasanayan sa mga kolehiyo at institusyon sa lalawigan na maisama ang IP Studies sa curriculum sa kolehiyo batay sa inilabas na Circular Memorandum Order Number 2 ng Commission on Higher Education.

Ayon kay Bumacas, napakahalangang maipatupad itong kautusan na makatutulong upang mawala ang diskriminasyon sa mga katutubo gayundin sa pagtataguyod ng mga programa para sa sektor. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews