NLEX-Harbor Link bubuksan na sa Pebrero 26

LUNGSOD NG MALOLOS —  Hindi na kailangang makipagsiksikan pa sa trapik sa Balintawak ang mga trak na may lulan na mga kalakal mula sa Hilaga at Gitnang Luzon.

Ito’y matapos ideklara ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar na maari nang madaanan sa lahat ng uri ng sasakyan ang bagong gawang North Luzon Expressway o NLEX-Harbor Link simula sa Pebrero 26.

Sa ginawang inspeksyon ng kalihim sa 5.65 kilometrong elevated expressway, ipinabatid sa kanya ni NLEX Corporation Senior Vice President for Tollways Development and Engineering Raul Ignaciona kumpleto na sa mga road safety features ang NLEX Harbor Link. 

Pangunahin dito, hanggang 80 kilometro lamang ang maaring maging bilis ng bawat sasakyan na dadaan upang maiwasan na mahulog sa halos sampung palapag na elevated expressway. 

Tig-tatlong linya ang lapad ng magkabilang panig ng NLEX-Harbor Link kaya’t  kayang makadaan dito araw-araw ang may 30,000 mga sasakyan. 

Sa pagbubukas nito, mararating ang NLEX Harbor Link mula sa southbound lane ng main thoroughfare ng NLEX sa pamamagitan ng pagkanan sa Smart Connect Interchange papunta sa direksyon ng Karuhatan. 

Mula sa Karuhatan, magsisimula na ang pag-akyat sa rampa ng NLEX Harbor Link kung saan babagtasin nito ang ibabaw ng Manila North Road o Mac Arthur Highway at ang ibabaw ng riles ng Philippine National Railways hanggang sa may C-3 Road sa lungsod ng Caloocan. 

Sa kasalukuyan, tumutukod hanggang sa Marilao, Bulacan ang buntot ng trapik dahil sa matinding sikip ng trapiko sa Balintawak. Ito’y dahil nasa kasagsagan na ang konstruksyon ang pagkakabit ng Skyway Stage 3 sa NLEX. 

Kaugnay nito, patuloy naman ang konstruksyon ng karugtong ng NLEX Harbor Link mula sa C-3 Road patungo sa Radial Road 10 na nasa tarangkahan ng Manila North Harbor. 15 bilyong piso ang inilaan para rito.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews