LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Nakatakdang maglagay ng special lane sa North Luzon Expressway o NLEX at Subic-Clark-Tarlac Expressway o SCTEX para sa mga atleta at opisyal na lalahok sa 2019 Southeast Asian Games o SEA Games.
Ayon kay NLEX Corporation President Luigi Bautista, isang linya ang itatakda para maging mabilis ang pagbibiyahe ng mga atleta at opisyal sa iba’t ibang sporting venues sa Gitnang Luzon.
Pormal na sisimulan ang ika-30 edisyon ng SEA Games sa Opening Ceremony na gaganapin sa 55,000 seater na Philippine Arena sa mga bayan ng Bocaue at Santa Maria sa Bulacan. Katabi ito ng northbound lane ng NLEX o sa direksyon patungong Pampanga.
Kaugnay nito, nakatakdang buksan ang bagong gawang Ciudad de Victoria Interchange na magsisilbing gateway papasok at papalabas sa Philippine Arena.
Samantala, inilahad ni Bautista na minamadali na rin ang konstruksyon ng Bamban Interchange sa Tarlac.
Pinondohan ito ng Bases Conversion and Development Authority upang magsilbing diretsong daan papasok at palabas sa New Clark City sa may Capas, Tarlac kung saan matatagpuan ang mga pangunahing venues ng SEA Games partikular ang 20,000 seater Athletics Stadium at 2,000 seater Aquatics Center.
Mananatiling bukas ang special lane sa NLEX at SCTEX sa buong panahon ng pagdadaos ng SEA Games mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11. (CLJD/SFV-PIA 3)