‘No Parking’ ordinance mahigpit na ipatutupad sa Brgy. Mulawin simula Lunes, Agosto 27

ORANI, Bataan – Simula sa Lunes, Agosto 27, 2018, ay mahigpit na ipatutupad ng Mulawin Barangay Council sa pamumuno ni Punong Barangay Marvin S. Dela Cruz ang “No Parking Ordinance” sa lahat ng mga pangunahing kalsada ng barangay na ito.

Ayon sa nakasaad sa Barangay Mulawin Ordinance No. 1, Series of 2018, ipatutupad ang ordinansa sa mga pangunahing daanang pampubliko ng barangay kagaya ng Yakal Street, Lakandula Street, Lopez Jaena Street, Narra Street (Tarangka), at Ipil Street (Lupang Hinirang).

Ayon pa kay PB Dela Cruz, malinaw na nakasaad sa pambansang batas o ang Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code), ang pagbabawal na gawing pambribadong paradahan o parking area ang mga pampublikong kalsada dahil ito ay pangkalahatang daanan ng lahat.

“Inadopt namin ang pambansang batas na ito bilang barangay ordinance para maiwasan ang pagsisikip ng mga pampublikong kalsada dahil sa mga nakaparadang sasakyan kahit pa ito ay sa tapat ng pribadong tanggapan o gobyerno o tapat ng tahanan,” paglilinaw pa ni Dela Cruz.

Samantala, pahihintulutan naman ang mga sasakyan na pansamantalang humimpli o tumigil sa mga nasabing lugar o streets ng 10 minuto at kung ito ay lalampas at hindi sumunod ang tsuper o driver ng sasakyan na ito ay ialis ay may karampatang parusa at multa:

Unang Paglabag – P100 na multa at pagkadena sa sasakyan
Ikalawang Paglabag – P200 at pagkadena sa sasakyan
Ikatlong paglabag – P500 at pagkdena sa sasakyan.

Ang mga sasakyang pang gobyerno, ospital, rescue, firetrucks, at police mobile car ay maari lamang humimpil kung mayroon opisyal o legal na tungkulin na dapat gampanan sa barangay.

Dagdag pa ni Dela Cruz, ang samahan naman ng mga tricycle drivers (Tricycle Operators and Drivers Associations o TODAs) ng barangay ay maaari lamang pumila sa mga itinalaga sa kanilang lugar na pilahan at kailangan ding sumunod sa batas ng barangay.

Bilang tulong sa mga may sasakyan na walang lugar paradahan (parking area) ay naglaan ang Sangguniang Barangay ng Mulawin ng pampublikong paradahan malapit sa Barangay Hall at Barangay Covered Court at ayon kay PB Dela Cruz, ito ay libre o walang bayad at kailangang pangalagaan lamang at ingatan ng mga gagamit ng mga nabanggit na lugar bilang parking area.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews