Tumatanggap na ng nominasyon ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan para sa ika-21 Gawad Galing Barangay o GGB.
Kabilang sa kategoryang maaring mapanalunan ang Natatanging Gawaing Pambarangay, at Natatanging Lingkod Barangay kabilang ang mga Punong Barangay, Kagawad, Kalihim at Ingat-Yaman ng Barangay.
Maari rin mapili bilang Natatanging Volunteer Workers kabilang ang mga Barangay Tanod, Mother Leader, Lingkod Lingap sa Nayon, Barangay Health Worker, Barangay Training and Employment Coordinator at Volunteer Group na maaaring nabibilang sa non-government organization, people’s organization, civic organization at iba pa.
Sinabi ng Provincial Planning and Development Office, ang kalihiman ng GGB, na pagkakalooban ang mga magwawagi ng plake ng pagkilala at perang insentibo na 200,000 piso bawat isa sa limang Natatanging Gawaing Pambarangay; 50,000 piso sa Natatanging Punong Barangay at tig-20,000 piso para sa Natatanging Kagawad ng Barangay, Natatanging Kalihim at Ingat-Yaman ng Barangay at sa mga Natatanging Volunteer Workers at Group.
Ang GGB ay isang proyekto sa ilalim ng programang Bulacan Awards Program for Barangay Innovation and Excellence na inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa bisa ng Panlalawigang Kautusan Bilang 03-T’06 bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga barangay sa kaunlaran ng lalawigan.
Sa mga interesado, maaaring magsumite ng lahok hanggang sa Mayo 23, 2022 at para sa karagdagang impormasyon at pagsagot ng nomination form sa bawat kategorya, tumawag lamang sa PPDO sa telepono bilang (044) 791 8176 o bumisita sa www.bulacan.gov.ph at www.facebook.com/gawadgalingbarangaybulacan.