LUNGSOD NG CABANATUAN — Iniulat ng Nueva Ecija Interagency Task Force on coronavirus disease o COVID-19 na umabot na sa 15 ang kumpirmadong positibong kaso sa lalawigan.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, mayroon ng local transmission ng virus sa lalawigan na ang ibig sabihin ay hindi nagtungo sa ibang lugar ang ilang naitalang nagpositibo sa COVID-19 kundi ay nakuha sa mga nakasalamuha sa lalawigan.
Aniya, ang pagkakaroon ng kaso na locally transmitted ang kinatatakutang mangyari sa lalawigan na maaaring dahilan ng pagkalat ng sakit kung kaya’t mahalaga ang pananatili lamang sa mga tahanan.
Pahayag ng gobernador ay nakalulungkot dahil kapansin-pansin na hindi pa din siniseryoso ng ilang kababayan ang kahalagahan ng pananatili sa mga tahanan.
Kaniyang panawagan ay huwag na nating hintaying dumami pa ang kaso ng COVID-19 sa lalawigan bago sumunod sa paki-usap ng gobyernong manatili lamang sa mga bahay upang makaiwas sa peligrong mahawa ng sakit.
Ang 15 positibong kaso sa lalawigan ay mula sa mga sumusunod na bayan at lungsod: anim ang mula sa lungsod ng Gapan, apat ang mula sa lungsod ng Cabanatuan, at tig-iisa sa mga bayan ng San Isidro, General Natividad, Licab, Laur at San Antonio.
Mula sa mga nagpositibong kaso, apat ang doktor at isa ang hospital worker.
Aniya, ang mga lugar na may positibong kaso ng COVID-19 ang unang tinutungo ng pamahalaang panlalawigan upang maagapayanan sa disinfection at pamamahagi ng mga relief goods.
Nabanggit din ni Umali na tatalakayin ng konseho at ng mga alkalde kung kinakailangan nang magpatupad ng ‘total lockdown’ sa mga lokalidad o sa buong lalawigan upang gawing mahigpit ang mga pagbabantay at maiwasang kumalat ang sakit sa lalawigan.
Kung mayroon namang nakikitang mga paglabag sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine ay isumbong lamang sa himpilan na 0918-245-4000.