Nueva Ecija, nagdaos ng talakayan tungkol sa COVID-19

LUNGSOD NG CABANATUAN, Pebrero 21 (PIA) — Idinaos ng binuong task force ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang talakayan tungkol sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19. 

Ayon kay Governor Aurelio Umali, layunin nitong ipaunawa ang kahandaan ng mga kagawaran ng pamahalaan upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19 sa lalawigan. 

Ipinaliwanag rito ng Department of Health o DOH Nueva Ecija ang mga pangunahing impormasyon tungkol sa sakit, kung saan ito nakukuha o paano naihahawa gayundin ang pagtukoy sa mga isinasailalim bilang Persons under Monitoring at Persons under Investigation. 

Humigit sa 200 health practitioners at mga kawani ng gobyerno mula sa lalawigan ang lumahok sa isinagawang talakayan tungkol sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19. Ito ay pinangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan at mga miyembro ng Provincial Task Force COVID-19. (Pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija)

Tinalakay din ng kagawaran ang kahalagahan ng koordinasyon ng mga tanggapan sa lokalidad mula sa barangay, paaralan, tahanan at lugar ng trabaho sa pagbabantay ng mga pinaghihinalaang kaso ng COVID-19. 

Pahayag ni Jonar Dungca ng DOH-Nueva Ecija, mula sa komunidad ay maaaring i-ulat ang mga taong may sintomas ng COVID-19 sa Barangay Health Emergency Response Team o BHERT na sila namang makikipag-ugnayan sa nakasasakop na munisipyo o siyudad. 

Kabilang din sa ilang paalala ng DOH na kung maaari ay huwag munang lumahok sa malaking pagtitipon ang mga bata, matatanda at mga taong may mahinang resistensya bilang proteksyon sa banta ng COVID-19.

Sa naturang talakayan ay ibinahagi din ng Dr. Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center o Dr. PJGMRMC ang mga kahandaan sa pagtanggap ng mga pasyenteng pinaghihinalaang may COVID-19 kabilang ang kagayakan ng mga health practitioners at ng pasilidad. 

Dito ay itinuro ni Dr. Lailanie Gustilo ng Dr. PJGMRMC ang kahalagahan ng lagi at wastong paghuhugas ng kamay upang makaiwas sa sakit.

Bilang miyembro ng task force ay ibinahagi naman ni Dr. Ernesto Flores III ng Department of Education o DepEd ang mga panuntunang ipinatutupad ng kagawaran sa mga eskwelahan upang proteksyunan ang nasa 300-libong mag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya sa lalawigan. 

Kasama rito aniya ang pagsunod ng kagawaran sa temporary ban ng pagbyahe sa bansang China at mga sakop na rehiyon gayundin ang pagpapatupad ng kaukulang quarantine procedures sa mga guro o mag-aaral na bumyahe mula sa mga naturang bansang may kaso ng COVID-19. 

Inisa-isa naman ng Department of the Interior and Local Government ang mga gampanin ng mga tagapamuno sa bawat lokalidad mula sa barangay, munisipyo, siyudad at lalawigan hinggil sa pagpapatupad ng mga hakbang upang mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

Pahayag ni Umali, ang mahalaga ay maunawaang lubos ng lahat ang tungkol sa sakit na COVID-19 na pati ang mga kabataan ay mayroong malawak na kaalaman tungkol sa naturang sakit.

Samantala, kung may nais i-ulat tungkol sa sakit na COVID-19 ay tumawag lamang sa DOH Nueva Ecija sa numerong 0918-245-4000.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews