Nueva Ecija naghahanda na kay ‘Ompong’

LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinaghahandaan ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija sa pangunguna ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ang maaaring maging epekto ng bagyong “Ompong” sa lalawigan.

Ayon kay PDRRMO Chief Michael Calma, sa kasalukuyan ay patuloy ang kanilang pagbabantay sa lagay ng panahon sa buong lalawigan mula sa pakikipag-ugnayan sa mga lokal na DRRRM Officer sa bawat bayan at lungsod na nasasakupan.

Bukod pa rito ang idinaos na pagpupulong nitong Lunes kasama ang iba pang sangay ng kapitolyo at mga ahensya ng pamahalaan tulad ng Philippine National Police, Philippine Army, Department of Education, at National Irrigation Administration-Upper Pampanga River Integrated Irrigation System o NIA UPRIIS na kaagapay sa paghahanda sa mga kagamitan at personnel na kakailanganin sa panahon ng kalamidad.

Ibinalita ni Calma na nasa 2,300 ang naka-alertong kapulisan at dalawang platoon ng Philippine Army ang nakaantabay anumang oras upang umalalay sa mga pangangailangan ng buong lalawigan gayundin ang pagagayak sa humigit 2,000 relief packs, mga gamot, at evacuation centers.

Dito aniya ay nilinaw din ng NIA UPRIIS na walang dapat ipangamba ang lahat dahil bago magpalabas ng tubig sa Pantabangan Dam ay kinakailangang i-anunsyo at ipaunawa sa mga kababayan ang gagawing aksyon kung maabot na ng tubig ang spilling level nito.

Ipinahayag ni Calma na kabilang sa mga tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ay ang estado ng mga nakatanim na palay sa lalawigan na aabot sa 181,000 hektarya na kung saan pitong porsyento pa lamang ang maaaring anihin.

Gayundin ang nasa 20-milyong alaga sa poultry at livestock farming na ayon sa Provincial Veterinary Office ay nakagayak ang mga malalaking poultry farms ngunit kinababahala ang mga nag-aalaga lamang sa kani-kanilang tahanan o bakuran sa maaring maging epekto ng paparating na bagyo.

Samantala, ilan sa mga pangunahing binabantayan ng pamahalaang panlalawigan ay ang mga lugar na karaniwang binabaha gaya ang mga bayan ng Quezon, Licab, Zaragoza, Jaen, San Antonio, San Leonardo, San Isidro, at Cabiao, at lungsod ng Cabanatuan.

Gayundin ang mga landslide at flash flood prone areas sa mga bayan ng Pantabangan, Carranglan, Rizal, Bongabon, Gabaldon at Laur.

Kung kaya’t ayon kay Calma ay ilalatag sa mga command post sa lalawigan na matatagpuan sa mga bayan ng Carranglan, Rizal, Licab, Jaen at sa mga lungsod ng Cabanatuan at Palayan ang mga heavy equipment gaya mga dump truck, loader, grader, back hoe, bulldozer at mga rescuer na handang umagapay sa oras ng pangangailangan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews