LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinaghahandaan ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija ang pagdating ng mga kababayang Overseas Filipino Workers o OFW.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, kailangang maging handa ang lalawigan sa pag-uwi ng mga kababayang OFW na kinakailangang dumaan sa mga protocol.
Para maipatupad ng wasto ang mga protocol ay kinakailangan aniya ang panahon para makapag-gayak ang mga lokal na pamahalaan, mga kapulisan, Rural Health Units, at ang komunidad para makatugon sa pagtanggap ng mga uuwing OFW.
Dahil sila ay galing sa ibang bansa obligado silang sumailalim sa quarantine na kanilang isasagawa pagdating sa Maynila at ang mga mag-nenegatibo sa mga pagsusuri ang sila lamang pauuwiin sa kani-kaniyang probinsiya.
Ang abiso sa pag-uwi ng mga OFW sa probinsiya ay magmumula sa Overseas Workers Welfare Administration na ipapaalam agad sa mga nakasasakop na bayan o siyudad.
Pahayag ng gobernador, komunikasyon at koordinasyon ang kailangan upang maging epektibo’t tiyak ang mga isasagawang hakbang sa mga uuwing kababayan.
Kabilang aniya sa mga hamon sa mga lokalidad ay kung sasapat ang mga inihandang quarantine facility sa oras na kailanganing i-accommodate ang mga OFW.
Ayon kay Provincial Tourism Office Chief Jose Maria Ceasar San Pedro, karamihan sa mga OFW ay nagta-trabaho sa tourism industry gaya sa mga resort, hotel, cruise ship at iba pa na lubusang naapektuhan sa suliraning dulot ng COVID-19.
Sila ay nahinto sa paghahanap-buhay kung kaya’t mas pipiliing umuwi na lamang ng bansa.