Nueva Ecija, nakapagbakuna na ng 3.2-M dosis ng COVID-19 vaccine

Humigit kumulang 3.2 milyong dosis ng COVID-19 vaccine ang naibakuna na sa Nueva Ecija.

Ayon kay Department of Health o DOH Nueva Ecija Development Management Officer IV Clesther Jose Espinosa, kabilang dito ang mga nabigyan ng 1st dose hanggang 2nd booster.

Batay sa talaan ng ahensiya ay nasa 1.47 milyon o 85.93 porsyento na ng target population ang fully vaccinated o mayroong 1st dose at 2nd dose ng bakuna sa lalawigan.

Samantalang umabot na sa 368,725 ang mayroong 1st booster dose at 41,921 ang nakatanggap na ng 2nd booster dose.

Aniya, maganda ang estado ng pagbabakuna sa lalawigan sa pagtutulungan ng lahat mula sa gobyerno nasyonal at mga lokal na pamahalaan. 

Kaniyang paalala ay huwag ipagsawalang bahala ang COVID-19 na nariyan at nakahahawa pa din kaya mahalaga ang pagbabakuna na may hatid proteksiyon laban sa pagkakasakit.

Ayon kay Espinosa, maaari pang tumaas ang bilang ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa Nueva Ecija ngayong buwan ng Agosto na sa unang linggo pa lamang ay umabot na sa 346.

Sa 316 aktibong kaso aniya ay humigit 89 porsyento ang mild cases at karamihan ay nasa home o facility quarantine lamang, na nakikitang magandang epekto ng pagbabakuna sa pagkakaroon ng mataas na immunity o panlaban sa malalang pagkakasakit dulot ng COVID-19.

Samantala, puspusan ang kampanya ng DOH upang maabot at makumpleto sa bakuna kontra COVID-19 ang 90 porsyento ng mga senior citizen gayundin ay mapataas ang bilang ng mga Nobo Esihanong mayroong booster shot.

Para sa may katanungan ay maaaring tumawag sa One Hospital Command o DOH Nueva Ecija hotline sa himpilang 0918-245-4000. (CLJD/CCN-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews