Nueva Ecija PNP inalerto ang publiko sa nalalapit na buwan ng Disyembre

LUNGSOD NG CABANATUAN — Sa pagsisimula ng Ber-months at ginugunitang National Crime Prevention Week ay nagpapaalala ang Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO na maging alerto at maingat sa lahat ng oras upang makaiwas sa anumang uri ng krimen at pamiminsala.
Ayon kay NEPPO Provincial Director Senior Superintendent Antonio Yarra, sa ganitong mga panahon naitatala ang mataas na kaso ng krimen lalo sa panahong nalalapit ang holiday season na kabi-kabila ang mga pagdiriwang at transaksyon sa mga bangko na tinitignang oportunidad ng mga kawatan upang makapanggulo.
Ito naman aniya ang mahigpit na binabantayan ng otoridad kaya’t mananatiling may mga nakapwestong kapulisan sa mga pangunahing pasyalan, kakalsadahan, pamilihan, paaralan, simbahan at iba pang matataong lugar sa buong probinsiya.
Pahayag pa ni Yarra, ang pagpapanatili ng kaayusa’t kapayapaan ay hindi lamang responsibilidad ng mga nasa law enforcement yunit ng gobyerno kundi ng lahat ng mamamayang nasasakupan na maging maingat sa bawat pagkilos at maging mapagmasid sa mga nakapaligid lalo kung nasa pampublikong lugar.
Kaya’t ang kaniyang panawagan sa lahat ay magkaisa, magtulong- tulong mula man sa iba’t ibang sektor tungo sa mas ikaaayos ng buong lalawigan.
Kaugnay nito ay lumagda sa Pangako ng Pagbabago ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na tanda ng  patuloy na pagsuporta sa mga kampanyang inilulunsad ng mga kapulisan sa pagsugpo ng krimen at paglutas sa suliraning dulot ng ilegal na droga.
Ito ay pinangunahan ng pamunuan ng NEPPO kasama ang National Police Commission, Department of Interior and Local Government, Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Jail Management and Penology, Bureau of Fire Protection at Philippine Information Agency. (CLJD/CCN-PIA 3)
WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews