LUNGSOD NG MALOLOS — Pinagsama sa isang eksibisyon ng sining ang mga obra na likha ng isang mahina ang pandinig at ng isang beterinaryo.
Tinaguriang “Coalescence” ang binuksang eksibisyon na ang ibig sabihin ay pagpipisan o pinagsama ng dalawang magkaiba ang mundo.
Si Ma. Fatima Arcilla, isang tapos sa kursong Fine Arts sa Bulacan State University sa kabila ng kapansanan na mahina ang pandinig at si Leatrize Gonzales na isang beterinaryo mula sa De La Salle Araneta University.
Itinampok ni Arcilla sa nilikhang mga obra ang imahe ng kanyang mga hinahangaan at sikat na personalidad. Ipininta rin niya ang paborito niyang mga bulaklak.
Si Gonzales naman, bagama’t isang beterinaryo ay may talento at nahilig din sa pagpipinta. Kaya’t kitang kita sa kanyang mga obra ang pagtatampok sa wangis ng iba’t ibang uri ng hayop.
Tinatayang aabot sa hanggang 500 libong piso ang halaga ng mga obrang itinampok sa Coalescence Joint Art Exhibition na pinasinayaan ni Gobernador Daniel R. Fernando.
Libreng matutunghayan ito sa buong buwan ng Pebrero sa lobby ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center sa bakuran ng Kapitolyo sa Malolos.
Ito ay simula ng pakikiisa ng Bulacan sa pambansang pagdiriwang ng Buwan ng Sining.