Tumatanggap na ang Social Security System (SSS) ng online retirement application mula sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at voluntary members na 60 anyos pataas sa pamamagitan ng kanilang website (www.sss.gov.ph).
Sinabi ni SSS President and Chief Executive Officer Emmanuel F. Dooc na simula May 10, 2018 ay maaari nang gamitin ng mga OFWs at voluntary members ang online web facility para mas mapabilis at mapadali ang pagsusumite ng kanilang retirement application.
“Hinihikayat namin ang ating mga OFWs at voluntary members na gamitin ang web facility para isumite ang kanilang retirement application. Pero kailangan muna silang mag-rehistro sa My.SSS upang gumawa ng kanilang online account. Dito nila isusumite ang kanilang retirement application online,” sabi ni Dooc.
Maliban sa pagkakaroon ng online account, kinakailangan na nakapaghulog ng 120 buwanang kontribusyon ang mga OFWs at voluntary members bago ang buwan ng semestre ng kanilang pagsusumite ng retirement application at hindi pa nagpasa ng benefit claim sa SSS branch.
Kinakailangan na ang mga miyembro ay walang kinanselang SS number at walang balanse sa Stock Investment Loan Program, Privatization Loan Program, Educational Loan at Vocational Technology Loan.
Subalit, ang mga miyembero na may balance pa sa salary, calamity or Salary Loan Early Renewal Program (SLERP) ay maaari pa ring magpasa ng kanilang retirement application online. Ang mga mag-aapply ng Loan Restructuring Program (LRP or condonation) ay hindi maaaring mag-sumite ng kanilang retirement application online.
Kinakailangan din na ang mga miyembro ay walang dependent child at hindi minero o hinete na 50 hanggang 55 taong gulang ang edad sa pagreretiro.
“Dapat na tingnan muna ng OFWs at mga miyembro ang mga kwalipikasyon bago nila magamit ang web facility para sa kanilang retirement benefit, kung hindi, kailangan silang pumunta sa pinakamalapit na SSS branch upang isumite ng personal ang kanilang retirement application.” sabi ni Dooc.
Bukod sa online na pagsusumite ng retirement claim para sa OFWs at voluntary members, ang mga miyembro ng SSS ay maaari ding mag-schedule sa SSS website ng araw kung kailan nila ipapasa sa pinakamalapit na SSS branch ang kanilang retirement application.
“Maaaring gumawa ng appointment sa SSS website para maitakda ang araw ng pagpunta sa branch ng miyembrong magreretiro para magpasa ng kanilang application form at iba pang mga dokumento. Mayroon kaming mga empleyadong na nag-aasikaso sa online appointment,” sabi ni Dooc.
Pinaalala ni Dooc na upang magamit ng mga miyembro ang online facility para mag-schedule ng appointment, kinakailangan na magkaroon muna ng account sa SSS.
Para sa mga karagdagang detalye, maaaring tumawag sa SSS Call Center sa mga numerong 920-6446 hanggang 55 o mag-email sa [email protected].