LUNGSOD NG MALOLOS — Nagsilbing panauhing pandangal kahapon si Interior and Local Government Assistant Secretary Marjorie Jalosjos sa pagdiriwang ng ika-119 anibersaryo ng Pagpapasinaya sa Unang Republika ng Pilipinas na ginanap sa simbahan ng Barasoain.
Ayon kay Jalosjos, kinakailangang magkaisa at magtulong-tulong ang lahat ng Pilipino upang labanan ang mga kalaban ng bansa na nagiging pangunahing dahilan ng pagkasira ng kalikasan, moralidad, at kinabukasan ng susunod na henerasyon.
Kabilang sa mga kalaban ng bansa na kanyang nabanggit ang kriminalidad, komunismo, terorismo, droga, at korapsyon.
Samantala, sa nasabi ding okasyon, sinabi ni Malolos City Mayor Christian Natividad na nais niya na maisabatas na upang maging isang national holiday ang Enero 23 kada taon dahil sa naging ambag nito sa kasaysayan ng bansa.
Aniya, ang pangyayari noong Enero 23, 1899 ay kahalintulad din proklamasyon ng Araw ng Kalayaan sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898 dahil ang pagsilang ng Araw ng Republika ay nagbigay daan din sa legalidad ng pagkakahirang kay Heneral Emilio Aguinaldo bilang Unang Pangulo. (CLJD/VFC-PIA 3)Vinson F. Concepcion