Outstanding governor iginawad kay Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS – Isa na namang panibagong karangalan ang nadagdag kay Bulacan Gob. Daniel R. Fernando nang gawaran siya bilang Outstanding Local Chief Executive of the Philippines – Provincial Governor Category for Luzon Island ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Incorporated (ALSWDOPI) ngayong araw.

Personal na tinanggap ni Fernando ang parangal sa idinaos na Gawad Parangal sa SMX Convention Center, Lanang, Lungsod ng Davao kaalinsabay ng 26th National Social Welfare and Development Forum and General Assembly ng asosasyon na may temang “Relevant and Responsive Social Welfare and Development Practices Amidst Political Conflicts and Movements for Social Change”.

Kinilala rin ng award-giving body ang malakas na political will ni Fernando sa pagpapatupad ng kakayahang panlipunan at kaunlaran ng kanyang nasasakupan.

Pinuri din ang mga inisyatiba at serbisyo ng People’s Governor na nag-aangat sa pangkalahatang kagalingan ng mga nasa vulnerable sector kabilang ang mga indigenous people, solo parents, senior citizens, at PWDs.

“Isang karangalan po para sa inyong lingkod na tanggapin ang parangal na ito bilang Outstanding Local Chief Executive of the Philippines under the Provincial Governor Category for Luzon Island. Ang parangal na ito ay hindi lamang sumasalamin sa ating pagsisikap at dedikasyong maitaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan kung hindi ito rin ay pagkilala sa sama-samang pagkilos ng mamamayang Bulakenyo para makapaghatid ng progresibo at positibong pagbabago sa ating Lipunan,” ani Fernando.

Pinasalamatan din niya ang ALSWDOPI at ang lahat ng magigiting na social workers ng bansa para sa walang kapagurang dedikasyon na isulong ang kapakanan at karapatan ng mamamayan gayundin ang mga pinuno at empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan na kanyang naging katuwang sa pagpapatupad ng mahalaga at makabuluhang programa para sa mga Bulakenyo.

Ang Gawad Parangal ay taunang programa ng ALSWDOPI na layong kilalanin ang mga Outstanding Local Chief Executives at Local Social Welfare Development Officers sa kanilang mga pagsisikap at ‘di-matatawarang suporta at kontribusyon sa pagpapalakas ng mga programa at serbisyong pagkalinga at proteksyong panlipunan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews