Tapos na ang konstruksyon ng P100-million halaga ng proyekto na kinabibilanagan ng tatlong palapag na 15-classroom na gusali, multi purpose covered hall at ang track and field oval with bleacher sa public elementary school sa bayan ng Bocaue, Bulacan.
Ang proyekto na pinangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapatayo ay matatagpuan sa Congressman Erasmo Cruz Memorial Central School sa Barangay Wakas.
Ang nasabing pagawain ayon kay District Engineer Henry Alcantara ng Bulacan First Engineering Office ay mula sa pondong ibinaba ni Senator Joel Villanueva sa DPWH na galing naman sa inisyatibo ng kapatid ng senador ang yumaong alkalde noon na si Mayor Joni Villanueva-Tugna.
“Clearing na lang then we will turn it over to Senator Villanueva for the formal inauguration. The construction period took us more than 8 months and finally it’s 100% completed,” ayon kay DE Alcantara sa isinagawang pagbisita nito at inspeksyon nitong Huwebes.
Ang pagawain ay mabilis na nakumpleto sa tamang panahong iniakda sa kabila ng umiiral na pandemiya kung saan ito ay sinimulan nitong Enero.
Sabi ni Alcantara, hindi naging hadlang ang Covid-19 second wave surge nitong Marso, 3rd wave ng Hulyo na sinabayan pa ng mga pag-uulan at bagyo hanggang Agosto.
Nabatid na ito ang kauna-unahang public elementary school na mayroong rubberized track and field oval sports complex sa Bulacan na kabilang sa mga priority project ni Mayor Tugna na hiniling sa kaniyang kuyang senador bago ito pumanaw noong Mayo 2020.
Ang pondo ay mula sa 2020 General Appropriation Act (GAA) ni Sen. Villanueva na ibinaba naman sa DPWH upang siyang mangasiwa ng konstruksyon.