P160M pautang ng DTI, nakatulong sa pagbangon ng 788 MSMEs sa Bulacan

Sumampa na sa 160 milyong piso ang napapahiram ng Department of Trade and Industry o DTI sa pamamagitan ng Small Business o SB Corporation sa may 788 na mga micro, small and medium enterprises o MSMEs sa Bulacan.

Nagsilbing pang-agapay ang mga ipinautang sa nasabing mga benepisyaryo upang makabangon mula sa epekto ng pandemya.

Inilahad ni DTI Bulacan Spokesperson Mary Grace Sta. Ana-Reyes na sa loob ng halagang 160 milyong piso na naipalabas ng SB Corporation, 133 milyong piso ang inilaan sa COVID-19 Assistance to Restart Enterprises Program noong 2020 at 202.

Nagmula ang pondo sa dalawang stimulus packages na ipinasa ng Kongreso sa kasagsagan ng pagtama ng pandemya. Ito ang Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act at ang Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act habang ang 27 milyong piso ay mula sa panibagong pondo na pitong bilyong piso na inilaan sa SB Corporation sa ilalim ng Resilient, Innovative, Sustainable Enterprises to Unleash your Potential o RISE UP Multipurpose Loan simula noong 2022.

Nakinabang dito ang inisyal na 106 na mga MSMEs sa Bulacan na bahagi ng 788 na natulungan mula pa noong 2020.

Base sa inisyal na tala ng DTI Bulacan sa panibagong pondo, pinakamaraming napautang sa lungsod ng San Jose Del Monte kung saan 17 MSMEs ang benepisyaryo na umabot sa 5.5 milyong piso.

Sa lungsod ng Malolos, nasa 13 MSMEs ang napahiram ng nasa 1.4 milyong piso at pitong MSMEs naman sa Santa Maria na nasa 4.2 milyong piso ang naipalabas.

Binigyang diin ni Reyes na nananatiling bukas pa ang RISE UP Multipurpose Loan ng SB Corporation sa iba pang mga MSMEs na nais makahiram ng puhunan hanggang 300 libong piso sa mga micro businesses at hanggang 10 milyong piso sa mga small at medium businesses.

Kwalipikado rito ang mga MSMEs na kumpleto sa mga pangunahing dokumento gaya ng business permit, business name at barangay certificate.

Kailangan lamang magsumite ng aplikasyon at maipadala ang soft copy ng mga rekisito sa drs.sbcorp.gov.ph

Kapag naaprubahan ang aplikasyon, maaring bayaran ito sa loob ng tatlong taon na may 12 buwan na palugit o grace period. Mayroon itong isang porsyentong interes sa buwanang amortisasyon.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews