P2.9B ayuda sa mga Bulakenyo, ipinadala na ng DBM sa mga LGU

LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinadala na ng Department of Budget and Management o DBM ang may 2.9 bilyong pisong halaga ng financial assistance sa 21 munisipyo at 3 lungsod ng Bulacan.

Ito ay upang maibigay para sa may tatlong milyong residente ng lalawigan na naapektuhan ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.

Base sa Local Budget Circular no. 136 na ipinalabas ni DBM Secretary Wendel Avisado, pinakamalaki ang alokasyon sa lungsod ng San Jose Del Monte na makakatanggap ng 596.8 milyong piso na tahanan ng halos isang milyong katao.

Sinundan ito ng bayan Santa Maria na makakatanggap ng 236.9 milyong piso, lungsod ng Malolos- 212.7 milyong piso, bayan ng Marilao- 198.1 milyong piso, lungsod ng Meycauayan-173.2 milyong piso, bayan ng San Miguel- 133.6 milyong piso, bayan ng Baliwag- 123.5 milyong piso, bayan ng Bocaue- 108.3 milyong piso at bayan ng Hagonoy- 106.2 milyong piso.

May alokasyon naman na 97.7 milyong piso para sa Pandi, 93.3 milyong piso para sa San Ildefonso, 93.1 milyong piso para sa Norzagaray, 91.9 milyong piso para sa Calumpit, 90 milyong piso para sa Pulilan, 89.5 milyong piso para sa Plaridel, 85.7 milyong piso para sa Guiguinto, 83.2 milyong piso para sa San Rafael, 67.3 milyong piso para sa Balagtas, 65.6 milyong piso para sa Bulakan, 56.8 milyong piso para sa Bustos, 50 milyong piso para sa Angat, 48 milyong piso para sa Obando, 44 milyong piso para sa Paombong at 20 milyong piso para sa Donya Remedios Trinidad.

Nagmula ang mga pondong ito sa Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act na pinalawig hanggang sa Hunyo 30, 2021 sa bisa ng Republic Act 11519. 

Tinukoy ni Avisado sa circular na ito na tanging sa pagbibigay ng ayuda lamang dapat magugol ang nasabing pondo. 

Ipinapaubaya na ng DBM sa mga pamahalaang lokal ang pagdedesisyon kung in-cash o in-kind ang magiging paraan ng pagbibigay.

Basta’t kinakailangan na ang bawat indibidwal ay makatanggap ng halagang isang libong piso.

Para naman sa may apat o higit pang miyembro ang pamilya, makakatanggap sila ng apat na libong piso.

Kapag may natira o hindi nagamit na bahagi ng pondo, dapat itong isauli ng isang partikular na pamahalaang lokal sa Bureau of Treasury bago ang Disyembre 31, 2021

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews