P2-B Tunnel Rings Yard ng Metro Manila Subway sa Baliwag nagbukas ng trabaho sa mga Bulakenyo

Nagsagawa ng inspeksiyon sina Transportation Secretary Jaime Bautista at Japan International Cooperation Agency Philippines Chief Representative Sakamoto Takema sa Tunnel Rings Yard na itinayo sa lungsod ng Baliwag para sa proyektong Metro Manila Subway Phase 1. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Nagsimula na ang full-operation ng P2 bilyong halaga ng Tunnel Rings Yard sa lungsod ng Baliwag.

Isa itong pamumuhunan na ipinasok ng kontratistang Hapon bilang gawaan ng mga kongkretong gagamitin sa paggawa ng tunnel ng Metro Manila Subway Phase 1.

Sa isang inspeksiyon ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa nasabing pasilidad, nabatid sa ulat ng kontratistang Hapon na Sumitomo Mitsui Construction Co., LTD, na 80 porsyento o nasa 270 ng 340 na mga manggagawa rito ay pawang mga Bulakenyong engineers at construction skilled workers. 

Matatagpuan ito sa 8.6 ektaryang lupa sa Barangay Tarcan sa tabi ng Pulilan-Baliwag Diversion Road. 

Pinili aniya ang lugar na ito dahil may mainam na espasyo para sa mga pangangailangan ng ganitong uri ng big-ticket infrastructure project. 

Bukod dito, sinabi pa ni Sumitomo Mitsui Construction Co., LTD Deputy General Manager

Abigail Verzosa na malapit din ito sa mga pinagkukuhanan ng matataas na uri ng materyales tulad ng suplay ng bakal na gawa ng Steel Asia na may planta sa lungsod ng Meycauayan at ang Republic Cement na nasa bayan ng Norzagaray ang gawaan. 

Ipinaliwanag naman ni Secretary Bautista na ang tunnel ring yard na ito ay uupahan ng kontratista sa loob ng pitong taon o hanggang sa taong 2030. 

Target makagawa ng 8,110 Tunnel Rings para sa Contract Package 103 ng Metro Manila Subway Phase 1 Project. 

Partikular na ikakabit ito sa pamamagitan ng Tunnel Boring Machine sa gagawing anim na kilometrong tunnel mula sa East Avenue sa lungsod ng Quezon hanggang sa Ortigas sa lungsod ng Mandaluyong. Dadaanan nito ang mga istasyon sa Camp Aguinaldo at Anonas.

Kaya’t para matiyak na masusuplayan ng nasabing bilang ng mga tunnel rings ang bahaging iyon ng proyekto, ang yard sa Baliwag ay mayroong 18 sets ng hulmahan na kayang gumawa ng 15 mga tunnel rings araw-araw. 

Bumili rin ng 12 mahahabang trucks na magde-deliver ng nasabing mga tunnel rings sa mismong project sites mula sa Baliwag.

Para kay Gobernador Daniel Fernando, patunay ang pagkakapili sa Bulacan, partikular sa lungsod ng Baliwag, na pagtayuan ng nasabing pasilidad na isang istratehikong lugar ang lalawigan na may mga kwalipikado at produktibong lakas-paggawa. 

Kaugnay nito, isa rin si Verzosa sa mga lokal na manggagawa na nabigyan ng pagkakataon na makapagtrabaho rito matapos maging isang Overseas Filipino Worker. 

Aniya, hindi na nalalayo ang sahod sa ibang bansa sa pagtatrabaho sa kumpanyang Hapon na dito sa Pilipinas may operasyon. 

Kalakip nito ang pagkakaroon ng sapat at tamang benepisyo na kagaya ng natatamo sa ibang bansa. Iba pa rito ang pagiging malapit sa pamilya na nabibigyan ng sapat na oras pagkatapos ang produktibong pagtatrabaho. 

Samantala, target ng Department of Transportation na magkaroon ng partial operation ang Metro Manila Subway Phase 1 sa taong 2028 mula sa Malinta sa lungsod ng Valenzuela hanggang sa North Avenue sa lungsod ng Quezon. 

May habang 36 kilometro ang proyektong ito na babaybay mula sa mga ilalim ng lupa ng Valenzuela hanggang sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 sa lungsod ng Pasay. 

Pinondohan ito ng P488 bilyon na Official Development Assistance ng Japan International Cooperation Agency. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews