Dadagdagan ni Hermosa Mayor Jopet Inton ng P20,000 ang alok na P30,000 ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sinumang makapagtuturo sa mga corrupt na mga barangay officials na nagbulsa sa social amelioration program (SAP) kabilang na ang mga pinaboran na hindi naman dapat mabigyan nito.
Ang SAP ay inilaan ng gobyerno para sa mga mahihirap o poorest of the poor habang nasa Enhanced Community Quarantine period dahil sa banta ng COVID-19.
Ayon kay Mayor Inton, dapat tiyakin ng sinumang magrereport sa kanya na kumpleto ang kanilang mga dokumento at iba pang ebidensya para makuha ang nasabing pabuya mula sa Pangulo at sa kanyang tanggapan.
Kapag kumpleto na ang mga ebidensya ay personal dapat na magpunta sa Hermosa PNP station para ma-validate at ang PNP na ang magdadala sa Mayor’s office kasama ang complainant.
Bukod dito, bibigyan din ni Mayor Jopet ng pabuyang P20,000 ang sinumang makakapagreport (with photos dapat bilang ebidensya) sa mga nagpapatupada o ilegal na sabungan.
P10,000 naman ang pabuya sa iba pang klase ng sugal na mairereport at P10,000 din sa mga mairereport na nag-iinuman sa public places at mga tindahang nagbebenta ng alak sa kabila nang umiiral na liquor ban habang ipinatutupad ang ECQ.
Dapat tandaan aniya na may karampatang ebidensya dapat ang bawat sumbong na ipararating sa kanya para makuha ang pabuya.