P21.9M Bayanihan Grant ng Bocaue, aprubado na

BOCAUE, Bulacan (PIA) — Aprubado na ng Sangguniang Bayan ng Bocaue ang may 21.9 milyong pisong supplemental budget kaugnay ng pagtugon laban sa coronavirus disease o COVID-19.

Ayon kay Mayor Joni Villanueva-Tugna, ang nasabing halaga ay mula sa Bayanihan Grant for Cities and Municipalities o BGCM na karagdagang Internal Revenue Allotment na ipinagkaloob ng Department of Budget and Management sa direktiba ni Pangulong Duterte.

Iginayak ang nasabing pondo upang alalayan ang mga pamahalaang lokal sa pagsugpo sa COVID-19 at maagapayan ang mga mamamayan sa mga bayan at lungsod na naaapektuhan ng Enhanced Community Quarantine. 

Kabilang sa mga gagastusan ng BGCM para sa Bocaue ay ang pagkakaloob ng karagdagang food assistance at relief sa mga Bokawenyo na aabot sa halagang 17 milyong piso. 

Tig-dalawang milyong piso naman ang inilaan para sa pambili ng mga medisina at bitamina at sa mga testing kits. 

Mayroon pang 953,756 libong piso na standby-fund para sa iba pang gastusin kaugnay ng pagsugpo sa COVID-19. 

Ang supplemental budget na ito ay naipasa bilang Municipal Ordinance No. 20-007 na iniakda ni Konsehal Dioscoro R. Juan, Jr.

Nilagdaan ni Tugna nitong Abril 14, 2020 upang agad nang magugol sa mga natukoy na dapat paglaanan. 

Kaugnay nito, iba’t ibang inobasyon ng ayuda ang ginawa ng pamahalaang bayan ang ipinagkaloob sa mga Bokawenyo gaya ng mga sariwang gulay. 

Pinakabago rito ang karagdagang 500 piso at meryenda package para sa mga Solo Parents at Persons with Disability.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews