P24.5B Kontra Baha Project Inilaan Ng DPWH Sa Bulacan

Aabot sa 24.5 bilyong piso ang inilaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga malalaking proyektong tunay na mapapakinabangan ng mamamayang Bulakenyo dahil mareresolbahan nito ang suliranin sa baha sa lalawigan ng Bulacan.

Kabilang sa malalaking proyektong ito ng DPWH ay ang P14.04-Bilyon na Meycauayan River Improvement Project at P8.61-Bilyon naman para sa Valenzuela-Obando-Meycauayan (VOM) Flood Control Project.

Ayon kay District Engineer Ramiro M. Cruz ng DPWH Bulacan Second District Engineering Office, ang Meycauayan River Improvement Project ay bahagi ng pangmatagalang tugon upang buhayin ang kahabaan ng Meycauayan-Marilao-Obando-River System (MMORS) na natukoy ng Blacksmith International na nangungunang pinakamadumi sa 30 maruruming ilog sa buong mundo.

Sa proyektong ito, nilagyan ng slope protection o kinokreto ang tabing ilog ng MMORS sa bahagi ng Meycauayan.

Ito umano ay upang huwag matibag ang lupa sa magkabilang gilid ng ilog na makakapagpababaw o pipigil sa tubig baha.

Nang humagupit ang bagyong “Ondoy” noong Setyembre 2009, umapaw nang hanggang lagpas dalawang tao ang MMORS na nagpalubog sa maraming kabahayan sa Marilao at Meycauayan.

Kukumpletuhin ng DPWH ang proyektong VOM upang tuluyang mawala ang malalim na pagbabaha hindi lamang sa Valenzuela, Meycauayan at Obando, kundi maging sa kalapit na bayan ng Marilao.

Isa itong proyekto kung saan “ikinukulong” ng mga dike upang hindi pumasok sa kalungsuran at kabayanan ang tubig mula sa Manila Bay tuwing high-tide.

Samantala, sinisimulan na rin ng DPWH ang konstruksyon ng 3.8 kilometrong San Miguel-Candaba Bypass Road.

Ayon kay Engr. Cruz, maiibsan nito ang sumusikip na daloy ng trapiko sa kahabaan ng Daang Maharlika sa bahagi ng bayan ng San Miguel sa Bulacan.

Nabatid na napabilis ang pagsisimula ng proyekto nang mabili ang right-of-way noong 2017 sa tulong ng 100 milyong pisong inilaan ng ahensya habang may inilaan nang 292 milyong piso para sa konstruksyon ng mismong salubungang kalsada.

Oras na makumpleto ang proyekto sa loob ng isang taon, ang mga taga-San Miguel na luluwas patungong Metro Manila ay maari nang gamitin ito patungong San Simon, Pampanga Exit ng North Luzon Expressway sa pamamagitan ng maikling ruta sa Candaba.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews