LUNGSOD NG SAN JOSE DEL MONTE — Naglaan ng inisyal na 250 milyong piso ang pamahalaang lungsod ng San Jose Del Monte upang unti-unti nang makabawi ang ekonomiya mula nang tumama ang pandemyang COVID-19.
Ito ang inilahad ni Mayor Arthur Robes sa mga bumisitang miyembro ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic o CODE team ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Layunin ng Stimulus Program for Special Sectors na tugunan ang mga pangunahing agarang pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng San Jose Del Monte.
Partikular dito ang pagkakaloob ng cash-for-work sa mga natukoy na 2,859 na nawalan o nahinto sa trabaho. Halimbawa na rito ang pagkukumpuni at maintenance ng mga pampublikong paaralan sa San Jose Del Monte.
Sa konstruksyon, kasalukuyang itinatayo ang City Disaster Risk Reduction Management Training Center building at ang 1,000 seater na City of San Jose Del Monte Convention Center na parehong matatagpuan sa pitong ektaryang city government center na nasa barangay Sapang Palay.
Para naman sa mga nahinto sa biyahe na mga pampublikong transportasyon na bumibiyahe sa kalungsuran, nagkaloob ng Fuel Subsidy ang pamahalaang lungsod ng tig-dalawang libong piso sa 1,788 na mga pampasaherong dyip na may prangkisa. Tig-isang libong piso naman sa mga lehitimong tricycle na aabot sa 4,758 na mga drivers at operators.
Tungkol sa muling pagbubukas ng mga negosyo, umabot na sa 10 libong mga micro, small and medium enterprises ang napagkalooban ng puhunan, na iba-iba ang halaga base sa naaprubahan, sa ilalim ng Alternative Livelihood Assistance Program.
Iba pa rito ang tig-limang libong piso na ipinagkaloob ng tanggapan ni Kinatawan Florida Robes ng lone district nitong lungsod, para sa mga may-ari ng mga Sari-Sari Store sa ilalim ng Tindahan ni Maria Program.
Ang 322 na mga benepisyaryong may-ari ng Sari-Sari Store ay nagmula sa tanggapan ni Kinatawan Robes at dinagdagan ng 150 pang benepisyaryo mula naman sa pondo ng pamahalaang lungsod.
Tuluy-tuloy naman ang pagkakaloob ng tig-dalawang libong pisong ayuda sa may 7,435 na mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa kabila ng walang face-to-face na klase.
Iba pa rito ang pagdadaos ng mga supplemental feeding program sa may 6, 940 na mga severely under malnourished na mga bata.
Samantala, bagama’t isang umuunlad na lungsod ang San Jose Del Monte, kasama pa rin sa prayoridad ang mga programang may kinalaman sa seguridad sa pagkain.
Patunay dito ang iginayak na 19 na community vegetable gardens upang mapataniman ng mga high value commercial crops.
Kalakip nito ang may 15, 891 na mga binhi at punla ng gulay upang hindi lamang umasa ang mga mamamayan nito sa mga nabibiling pagkain ngayong panahon ng pandemya.
May dagdag pang 352 na iba’t ibang patubuing maliliit na punong namumunga at pasunod na pataba.