P28M emergency cash assistance ipinamahagi sa 5,496 Bulakenyo

LUNGSOD NG MALOLOS – Nagsagawa ng “Emergency Cash Transfer” payout activity  ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga biktima ng Bagyong Egay at Habagat na ginanap sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center nitong Martes, Oktubre 24, 2023.

Pinangunahan nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gob. Alex Castro ang pamamahagi ng emergency cash assistance sa 5,496 na Bulakenyo katuwang ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni Rowena Joson.

Umabot sa halagang P28,000,167 ang nasabing tulong pinansiyal mula kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. at Kalihim ng Department of Social Welfare and Development Rex Gatchalian na ipinamahagi sa mga Bulakenyo mula sa mga Lungsod ng Malolos, Baliwag, Meycauayan, at San Jose Del Monte, at mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Balagtas, Bocaue, Santa Maria, Calumpit, Pandi, Plaridel, Angat, DRT, Norzagaray, San Ildefonso, Obando, at San Miguel.

Nagpasalamat naman si Fernando kina PBBM at Gatchalian sa kanilang pagbibigay suporta at umaasang magagamit ito nang tama ng mga benepisyaryo.

“Kaya po kami nandito ay upang makapagbigay ng tulong sa bawat isa sa inyo. Nawa ay magamit ito sa maayos na pamamaraan. Sana ay makatulong ito sa inyo, gamitin ninyo ito sa matalinong paggastos. ‘Yung iba ay gamitin ninyo sa pagnenegosyo at sa pang araw-araw na pangangailangan,” ani Fernando.

Ito ang unang personal appearance ni Fernando sa publiko buhat nang mapabalitang na-ospital noong Setyembre 12.

Magpapatuloy ang Emergency Cash Transfer ngayong Huwebes, Oktubre 26, 2023.

Samantala, nagkaloob din sina Frernando at Castro ng livelihood sari-sari store package para sa 110 Bulakenyo mula sa ibat-ibang bayan at lungsod sa lalawigan.

Ito ay sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program: Awarding and Distribution of Livelihood Kits na pinangasiwaan ng Provincial Government of Bulacan, DOLE-Bulacan Field Office sa pamumuno ni Atty. Erwin Angeles at Provincial Youth, Sports and Public Employment Service Office (PYSPESO) sa pamumuno ni Atty. Jayric Amil.

Ayon kay Amil, may kabuuang 2.2 million ang pinamahagi mula sa DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na siyang magagamit na panimula sa negosyo ng mga beneficiaries.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews