LUNGSOD NG MALOLOS — Bumiyahe na ulit ang mga Premium Point-to-Point o P2P Bus na may mga ruta mula sa lungsod ng Malolos at sa bayan ng Santa Maria papuntang North Avenue sa lungsod Quezon.
Ito’y matapos ang halos tatlong buwan na pagkakatigil ng mga biyahe dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine.
Sinabi ni Grace Joaquin, Pangulo ng Precious Grace Transport Corporation na may konsesyonaryo sa mga rutang ito ng P2P, kabilang ang P2P sa mga pinayagang pampublikong transportasyon ngayong umiiral na ang General Community Quarantine.
May 11 yunit ang idinestino para sa ruta mula sa terminal nito sa Malolos sa Robinson’s Place Malolos hanggang sa North Avenue sa may Trinoma Mall habang 15 naman ang mga units ng P2P buses na naghahati sa mga terminal nito sa barangay Caypombo at Sta. Clara sa bayan ng Santa Maria.
Nagkaroon din ng pagbabago sa oras ng mga biyahe sa partikular na mga ruta. Sa Malolos, ang dating first trip na alas-kwatro ng umaga ay naging alas-singko ng umaga. Ang biyahe na mula alas-singko ng umaga hanggang alas-siyete ng gabi, ay may interval o agwat na kada 30 minuto.
Sa mga terminal ng P2P sa Santa Maria sa mga barangay ng Caypombo at Sta. Clara, may interval na kada 30 minuto mula alas-singko ng umaga hanggang alas-onse ng umaga. Magiging isang oras naman ang interval mula alas-onse ng umaga hanggang alas-tres ng hapon. Babalik sa kada-30 minuto ang interval mula alas-tres ng hapon hanggang sa last trip ng alas-siyete ng gabi.
Para naman sa mga biyahe na pauwi sa Malolos mula sa North Avenue, ang mga biyahe ay mula alas-6:15 ng umaga hanggang alas-8:45 ng gabi ang last trip. Sa mga biyaheng Sta. Clara sa Santa Maria mula North Avenue ay mula alas-6:15 ng umaga hanggang alas-8:45 ng gabi. Para sa biyaheng Caypombo sa Santa Maria mula North Avenue, magsisimula ng alas-6:30 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.
Samantala, wala pang biyahe ang mga P2P na magmumula sa mga bayan ng Plaridel, Balagtas at Pandi na papuntang North Avenue.
Ayon kay Jojo Fernandez, master ng HM Transport na may konsesyonaryo sa mga rutang nabanggit, kasalukuyan pang ipinoproseso sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang special permit para muling makabiyahe.