Tinatayang nasa P40-milyon halaga ang inisyal na naitalang nasira sa mga pananim at palaisdaan kabilang ang sa pampublikong imprastrastura habang hindi bababa sa 2,000 residente mula sa 515 pamilya sa 12 bayan at siyudad sa lalawigan ng Bulacan ang inilikas matapos malubog sa tubig baha dulot ng tuloy-tuloy na pag-uulan dulot ng hanging habagat dala ng bagyong Fabian at sinabayan pa ng high tide mula sa Manila Bay.
Umabot hanggang 5ft. ang floodwater na nagpalubog sa mahigit 100 barangay dahil sa halos isang linggong pag-ulan, ayon sa pinakahuling ulat ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).
Nagpakawala rin ang 2 sa 3 dam sa nasabing lalawigan kung saan 210 cubic meter per second (cms) ang ni-release ng Bustos Dam nitong Linggo makaraang umabot sa 17.36 meters ang water level elevation nito na lagpas sa 17.00 meters spilling level.
Ang Ipo Dam ay nagpalabas rin ng tubig na umabot pa sa 116.31 cms hanggang alas-5:00pm kaparehong araw matapos lampasan nito ang spilling level na 101.00 meters at umabot sa 101.40 hanggang 101.07 meters.
Ayon kay Governor Daniel Fernando, inilikas ang may 2,000 mga residente mula sa 515 pamilya sa Lungsod ng Malolos kung saan ang Barangay Bulihan ang siyang may pinakamataas na tubig baha na hanggang 5ft. habang ang mga bayan ng Hagonoy, Paombong, Bulakan at Calumpit, Guiguinto, Plaridel, Bocaue, Obando, Siyudad ng Meycauayan, Norzagaray at Marilao kasama rin ang bayan ng Balagtas, Sta. Maria ay apektado rin ng baha. May mga bayan sa mga nabanggit na ito na inabot ng hanggang 3ft. ang taas ng tubig.
Nasa 13 ang binahang barangay sa Bocaue, 24 sa Siyudad ng Malolos, 4 sa Plaridel, 14 sa Paombong, 17 sa Calumpit, 11 sa Siyudad ng Meycauayan, 4 sa Guiguinto at mayroon din sa mga bayan ng Bulakan, Hagonoy, Marilao, Norzagaray at Obando.
Nabatid pa na ang Macaiban bridge sa Sta. Maria ay hindi madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan gayundin sa Barangay Sta. Cruz sa Bayan ng Guiguinto at Barangay Iba sa Marilao at Barangay Saluysoy sa Meycauayan. Ang Lias, Marilao road ay hindi rin madaanan ng lahat ng light vehicles.
Nagtala ng inisyal na halagang P5-Milyon na nasirang imprastraktura ang Bulacan First District Engineering Office habang inisyal namang P14.3-milyon naman sa District 2 Engineering Office at nasa mahigit P19-Milyon ang halaga ng inisyal na naitalang nasira sa mga pananim na gulay, palay, at sa mga palaisdaan.
Sinuspinde rin ni Gob Fernando ang pasok sa kapitolyo araw ng Lunes base sa rekomendasyon ni PDRRMO chief Liz Mungcal para sa kaligtasan ng mga empleyado na apektado ng baha ang kanilang mga lugar.
Gayunpaman, ayon kay Fernando, mananatiling may pasok ang mga essential functions sa mga mayroong delivery of basic and health services, response to disasters and calamities, at iba pang vital services para maihatid ang services sa mga Bulakenyo.
Tuloy-tuloy rin ang isinsasagawang vaccination activity sa Hiyas ng Bulacan Convention Center.