P4T target na malikom sa ipapaupang lupa sa mga base militar

LUNGSOD NG MALOLOS — Target ng administrasyong Duterte na makalikom ng apat na trilyong piso mula sa kita ng mga ipapaupang bakanteng lupa ng mga base militar ng Armed Forces of the Philippines o AFP.

Iyan ang kinumpirma ni AFP Chief of Staff General Carlito Galvez Jr. sa kanyang pangunguna sa pagdiriwang ng ika-440 taon ng pagkakatatag ng Bulacan bilang isang lalawigan.

Aniya, gagamitin ang parte ng kikitain sa kapitalisasyon para sa magiging sariling pension system ng mga unipormadong kawani kabilang na ang mga sundalo, pulis at coast guard.

Ipinaliwanag pa ng heneral naang perang kikitain dito ay direktang pakinabangan ng karaniwang sundalo na hindi lamang aasa sa taunang badyet.

Makakatuwang ng AFP ang Bases Conversion and Development Authority sa pamamahala ng komersiyalisasyon ng mga bakanteng lupa sa mga base militar.

Pero sa pagkakataong ito, hindi ipagbibili ang mga base militar, gaya ng ginawa sa Fort Bonifacio sa Taguig, kundi ipapaupa lamang. Ibig sabihin, mananatiling pag-aari ito ng estado sa ngalan ng AFP.

Kabilang sa mga tinukoy na may mga malalaking bakanteng lote ang Camp Aquino at Camp O’ Donell na parehong nasa lalawigan ng Tarlac.

Hindi naman isasama ang Camp Tecson na nakabase sa bayan ng San Miguel, Bulacan sa listahan ng mga ipapaupang base militar upang mapanatili ang kaberdehan ng bulubundukin ng Sierra Madre sa gawing hilagang-silangan ng lalawigan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews