P58M inilaan para sa Sewerage Treatment sa bawat ospital sa 2020

LUNGSOD NG MALOLOS — Naglaan ng 58 milyong piso ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa pagtatayo ng mga Sewerage Treatment Plant sa bawat pampublikong ospital na pinapatakbo ng Kapitolyo.

Iyan ang ibinalita ni Gobernador Daniel R. Fernando sa ginanap na pulong balitaan matapos ang pagsasagawa ng matagumpay na “Takbo para sa Kalikasan 2” para patuloy na suportahan ang pagsagip sa Manila Bay. 

Binigyang diin ng gobernador na matapos pagtuunan nang pansin ang pagpapalaki sa mga gusali at pasilidad ng mga ospital ng gobyerno sa Bulacan, prayoridad naman ngayon ang pagtatayo ng mga Sewerage Treatment Plant. 

Ito’y upang matiyak na hindi maitatapon sa mga anyong tubig ang sari-saring dumi mula sa mga ospital, at hindi na rin makarating sa Manila Bay. 

Ayon pa sa gobernador, base sa inaprubahang 2020 Annual Investment Program, pinakamalaking nilaanan ang Sewerage Treatment Plant para sa Bulacan Medical Center sa Malolos sa halagang 10 milyong piso. Sinusundan ito ng 8 milyong piso para sa Rogaciano Mercado Memorial District Hospital sa bayan ng Santa Maria. 

May 4 milyong piso para sa paglalagay ng Sewerage Treatment Plant sa district hospital sa isla ng Pamarawan na nasa gitna ng Manila Bay na sakop ng Malolos. Tig-4 milyong piso din ang inilaan sa iba pang mga district hospitals sa San Miguel, Baliwag, Plaridel Emergency, Calumpit, Emilio G. Perez Memorial Hospital sa Hagonoy at Gregorio del Pilar District Hospital sa Bulakan.

Pinondohan din ang paglalagay ng Sewerage Treatment Plant sa mga bagong tayong district hospitals sa Obando, Pandi at Angat ng tig-4 milyong piso.

Ang nasabing mga pondo ay bahagi ng 2020 Provincial Budget ng Bulacan na nagkakahalaga ng 5.7 bilyong piso. (CLJD/SFV-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews