P631.64-B industry-based economy ng Bulacan pang-7 pinakamalakas sa Pilipinas

Inilatag ni Philippine Statistics Authority Bulacan Chief Statistical Specialist Elmor Barroquillo (kaliwa) sa ginanap na Provincial Product Accounts Dissemination Forum ang naging patuloy na paglago ng ekonomiya ng Bulacan noong 2023. Pang-pito itong pinakamalakas sa alinmang lalawigan o highly urbanized cities sa Pilipinas na pinatatag ng industriya ng manufacturing, construction at tourism. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Naitala ang P631.64 bilyong halaga ng ekonomiya ng Bulacan bilang pang-pito sa pinakamalakas sa 82 mga lalawigan at 33 highly urbanized cities sa buong Pilipinas ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Sa ginanap na Provincial Product Accounts Dissemination Forum, iniulat ni PSA Bulacan Chief Statistical Specialist Elmor Barroquillo na ang naitalang halaga  ay katumbas ng 27.2 porsyento sa P2.32 trilyong halaga ng ekonomiya ng Gitnang Luzon.

Ang lalawigan ang pinakamalaking ambag sa ekonomiya ng rehiyon. 

Sinusundan ito ng Pampanga na may ambag na 24.4 porsyento, Nueva Ecija-13.6 porsyento, Bataan-11.9 porsyento, Tarlac-8.9 porsyento, lungsod ng Angeles-6.1 porsyento, Zambales- 4.0 porsyento, lungsod ng Olongapo- 2.4 porsyento, at Aurora-1.5 porsyento.

Pangunahing batayan nito ang lakas ng produksiyon at kita ng industry-based economy ng Bulacan dahil sa manufacturing, construction at tourism. Ito aniya ang nasukat sa Provincial Product Account.

Binigyang diin pa ni Barroquillo na lalong lumalakas ang produksiyon ng mga industriya probinsya na umaabot na sa P314.96 bilyon noong 2023. 

Mas malaki ito kumpara sa P297.14 bilyon noong 2022 at P275.50 bilyon noong 2021. Ito ay 32.1 porsyento ng P980.50 bilyon na kabuuang halaga ng mga industriya sa Gitnang Luzon.

Una sa nagpaangat ng industriya sa Bulacan ang sektor ng manufacturing na nasa 30.9 porsyento.

Pangunahin dito ang produksiyon ng mga pabrika na nasa mga industrial parks sa Malolos tulad ng First Bulacan Industrial Park na gawaan ng mga garments, processed foods at iba pang export-quality goods. 

Katabi nito ang bagong First Bulacan Business Park na nakalaan para sa mga kumpanyang gumagawa ng pharmaceutical products. 

Kasama rin rito ang produksiyon mula sa Santa Maria Industrial Park na naideklarang Special Economic Zone. 

Kabilang sa mga ginagawa rito ay mga automobile battery, metal fabrication, glass, aluminum, bolts, nuts, organic fertilizer, soil conditioner, concrete pipes at maging food products tulad ng pork chicharon production.

Malaki rin ang naiambag ng mga nasa sektor ng serbisyo na nagkakahalaga ng P287.22 bilyon noong 2023 na higit na mas mataas sa P271.63 bilyon noong 2022 at P248.69 bilyon noong 2021. 

Nakapaloob dito ang kinita ng mga nasa motor vehicles and motorcycles repairs at maging sa professional and business services.

Iba pa rito ang ambag na likha ng mga micro, small and medium enterprises na simbulo ng dalawang dekadang tagumpay ng programang ‘Tatak Bulakenyo’.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Provincial Planning and Development Office Head Arlene Pascual na bagama’t nananatiling hamon ang produksiyon ng agrikultura sa lalawigan, nakalinya na ang mga pangunahing hakbang ng pamahalaang panlalawigan upang mapalakas ang sektor ng pagsasaka tulad ng Bulacan Animal Breeding Center and Multiplier Farm at ang Bulacan Farmers ‘Productivity Center.

Layunin nito na maiangat ang kakayahan ng mga magsasakang Bulakenyo sa pagpaparami ng produksiyon ng pagkain. 

Gayundin ang pagkakaroon ng sariling paramihan ng mga baka, baboy, kambing, manok, itik at bibe na titiyak ng seguridad sa pagkain na hindi na kailangang umangkat pa. 

Samantala, sinabi rin ni Pascual na kitang-kita at ramdam na ramdam ang mga istatistikang ito dahil nagresulta ang malakas na ekonomiya ng Bulacan sa 13 porsyentong pag-angat ng employment rate sa lalawigan. 

Katumbas ito ng pagkakaroon ng trabaho ng nasa 304,659 na mga Bulakenyo.

Bukod pa rito ang pag-angat ng Per Capita Gross Domestic Product kung saan umangat ito ng 4.1 porsyento noong 2023. 

Ibig sabihin, ang isang karaniwang Bulakenyong may trabaho at tamang sahod ay kumikita ng P165, 224 kada taon. 

Mas mataas sa P158,738 noong 2022 at P148,545 noong 2021. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews