Pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan ang anim na bilyong pisong badyet ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa taong 2021.
Ayon kay Gobernador Daniel Fernando, popondohan nito ang mga tinukoy na prayoridad sa ibinalangkas na Provincial Development Plan.
Mula sa 5.7 bilyong pisong provincial budget noong 2020, ay tumaas ito sa 6-bilyon dahil sa pag-angat ng per capital income o ang average na kita ng isang karaniwang Bulakenyong nagtatrabaho at naghahanapbuhay na umaabot sa 1,822.56 piso mula sa dating 1,731.43 piso.
Pinakamalaking lalaanan ng anim na bilyong pisong badyet ang sektor ng social services na nagkakahalaga ng 2.4 bilyong piso na sinusundan ng 2.2 bilyong piso para sa general services ng Kapitolyo.
Nagkakahalaga naman ng 1.2 bilyong piso ang inilaan para sa economic recovery ng Bulacan.
Ipinaliwanag pa ng gobernador na ang mas malaking pagpopondo sa sektor ng social services ay pagpapatunay para sa mas malakas na pagtugon ng Kapitolyo laban sa COVID-19.
Pinagtibay na ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan ang anim na bilyong pisong badyet ng Kapitolyo para sa taong 2021. Pinakamalaking lalaanan ng pondo ang sektor ng social services kung saan nakalinya ang mas pinalakas na pagtugon laban sa pandemya ng COVID-19.
Partikular na popondohan ang patuloy na operasyon ng Bulacan Infectious Diseases Control Center, Bulacan Molecular Diagnostic Testing Laboratory, Gene Expert Laboratory at ang pagbubuo sa Provincial Contact Tracing Team.
Nakapaloob sa pondo ng social services ang para sa pagpapabuti pa ng serbisyo ng mga ospital na pinatatakbo ng Kapitolyo.
Ang Local Disaster Risk Reduction Management Fund ng Kapitolyo ay nasa 282.9 milyong piso, 146 milyong piso para sa iba’t ibang proyektong pagkalinga sa mga mahihirap na Bulakenyo na ipinapatupad ng Provincial Social Welfare and Development Office at 86 milyong piso para sa Provincial Health Office.
Sa ipinasang pondong ito, ayon kay Provincial Budget Officer Francisco De Guzman magmumula ang pera 4.1 bilyong pisong Internal Revenue Allotment mula sa Department of Budget and Management at 758.3 milyong piso na target na koleksiyon mula sa mga ipinaiiral na buwis ng Kapitolyo sang-ayon sa Provincial Revenue Code. Mayroon ding 419 milyong piso na inaasahan mula sa operating and miscellaneous revenue.
Ito ang mga singilin mula sa mga umuupa sa paggamit ng mga pasilidad ng Kapitolyo gaya ng Bulacan Sports Complex, Bulacan Capitol Gymnasium at ang Hiyas ng Bulacan Convention Center.
Iba pa rito ang 268.3 milyong piso mula sa iba’t ibang paupahang komersiyal ng Kapitolyo o ang economic enterprise, at 370 milyong piso na nakokolekta sa mga ospital.