P6M untaxed cigarettes kumpiskado sa Bulacan

Sinalakay ng joint operatives ng Police Regional Office 3 (PRO3) Special Concern Unit-Regional Intelligence Division 3 (SCU-RID), Balagtas Municipal Police Station, PRO3-Regional Mobile Force Battalion, Japan Tobacco International at Bureau of Internal Revenue (BIR) Tobacco Striking Force Martes ng hapon ang isang industrial compound kung saan mahigit 12,250 rims o pakete ng untaxed cigarettes na nagkakahalaga ng P6 milyon ang narekober sa Barangay Santol sa bayan ng Balagtas, Bulacan.

Ayon kay Bulacan Police Acting Provincial Director PCol. Emma Libunao, sinalakay ng mga nabanggit na operatiba sa pangunguna nina PMaj. Madtaib Jalman ng SCU-RID3 at BIR Tobacco Striking Force Chief Sonny Advincula ang Fonchun Industrial Compound sa nabanggit na lugar kung saan narekober dito ang libu-libong pakete ng sigarilyo na hindi nagbabayad ng kaukulang buwis sa gobyerno.

Nabatid na dakong ala-1:20 Martes ng hapon ng pasukin ng mga operatiba kasama si Atty. Rhona Vergara ng Japan Tobacco International na  armado ng mission order na ipinalabas ni Arnel SD. Guballa, BIR Deputy Commissioner laban sa mga may-ari na pansamantalang hindi pinangalanan.

Ang mga narekober na sigarilyo ay kinabibilangan ng Modern, Far Star (filter), Far Star (Mentholated), R.G.D. D&B, F&S na aabot sa anim na milyon ang halaga kung saan ang mga ito ay nasa pag-iingat ngayon ng BIR.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews