P871M naitalang pinsala ni ‘Carina’ sa Bulacan 

Mahigit sa P871-milyon ang inisyal na naging pinsala sa buong lalawigan ng Bulacan dahil sa hagupit ng Super Typhoon ‘Carina’ na pinalakas ng Hanging Habagat.

Dahil sa hagupit ng bagyo, nagtala ang buong lalawigan ng tinatayang halaga ng pinsala na P789 milyon sa imprastraktura; P81,200,649.69 sa agrikultura at pangisdaan; at P955,100 sa livestock at poultry. 

Kaugnay nito, inendorso na ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC) sa pangunguna ni Gob.  Fernando, bilang Chairman na isailalim ang Bulacan sa State of Calamity. 

Nitong Huwebes ay nagsagawa ng Full Council Emergency Meeting ang PDRRMC at pangunahing tinalakay ay ang pagdeklara ng State of Calamity sa probinsiya.

Ayon kay Fernando, ito ay upang lalong mapalakas ang pagtugon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pagbibigay ng tulong at pagsasagawa ng rehabilitasyon sa iba’t ibang napinsala dahil sa bagyong Carina. 

Nabatid pa sa inisyal na report ni Rowena Tiongson, hepe ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) kay Fernando, nasa 21,504 na mga pamilya ang direktang naapektuhan ng bagyo. 

Bukod dito, magpapagawa rin ang pamahalaang panlalawigan ng dalawang units ng amphibian vehicles na handang tumugon at sumaklolo kahit gaano kalaki o kataas ang baha. 

Sa pagkakadeklara ng State of Calamity, pinapahintulutan ang paggamit sa Quick Response Fund ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan. 

Samantala, sinimulan na ni Fernando at Bise Gob. Alex Castro ang personal na pamamahagi ng relief goods sa mga Bulakenyong naapektuhan ng Bagyong Carina na pinalakas ng Hanging Habagat nitong Huwebes.

May kabuuang 718 indibidwal o 199 pamilya mula sa mga Barangay ng Malis, Ilang-Ilang, Tuktukan, Sta. Rita, Tiaong, at Sta. Cruz sa Guiguinto ang una nang nakatanggap ng relief goods mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Fernando at Bise Gob. Alexis C. Castro.

Nagdala rin siya ng tulong sa 580 pamilya sa Brgy. Pandayan at Calvario sa Lungsod ng Meycauayan, at  85 pamilya sa Brgy. Pio Cruzcosa sa Calumpit.

“Ang mahalaga po ngayon ay mabigyan natin ng pagkain ‘yung mga nasa evacuation center at ibang mga nasa bahay pa na may tubig. Humingi na po tayo ng assistance sa DSWD para sa food packs, at gayundin, and Provincial Government ay magbibigay tayo ng sa iba’t ibang bayan at siyudad lalawigan,” ani Fernando.

Ayon sa pinakabagong datos mula sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) bandang alas-8:00 ng umaga ng Hulyo 26 ay nasa 185 barangay mula sa tatlong lungsod at 12 bayan ang apektado pa rin ng isa hanggang limang talampakang tubig baha, at 29,938 katao o 10,024 pamilya ang pansamantalang sumilong sa iba’t ibang evacuation areas sa buong lalawigan.

Samantala, madadaanan na ang lahat ng pangunahing daan sa Bulacan ngunit pinapayuhan ang mga motorista na mag-ingat sa pagbaybay sa mga minor at inner road dahil sa baha sa mga bahagi ng lalawigan.

Ayon kay District Engineer Henry Alcantara ng DPWH-First District Engineering Office (DEO) nag-deploy na sila ng disaster response team at mga equipment partikular na sa mga critical roads at may high risk of flooding dahil sa pananalanta ng Habagat at Bagyong Carina.

“Quick response assets were strategically positioned along key areas of the DEO’s jurisdiction, including Manila North Road, Maharlika Highway, Bigaa-Plaridel Road, and Plaridel Bypass Road, to ensure swift emergency response, conduct immediate clearing operations, and maintain public mobility on these national roads,” wika ni DE Alcantara.

Nagsagawa rin ng on-site inspections ang mga District officials kabilang ang Assistant District Engineer sa pamumuno ni Engr. Brice Erickson Hernandez at mga Section Chiefs upang suriin ang mga kalsadahan sakop ng kanilang tanggapan at mag-assist sa mga stranded individuals dahil sa patuloy na pag-uulan.

Tiniyak ni Alcantara na ang kanilang tanggapan ay mananatiling nakabantay sa typhoon’s impact at maghahatid ng regular na road situational reports para ipabatid sa publiko.

Nakahanda rin ang DPWH-Bulacan 1st DEO na ipagamit sa provincial government ang kanilang mga truck para makatulong sa response and rescue operation sa mga nasalanta ng baha.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews