LUNGSOD NG MALOLOS — Ipinagkaloob ng Department of Trade and Industry o DTI ang 9.5 milyong pisong halaga ng Shared Service Facility o SSF sa isang kooperatiba ng mga Muslim sa lungsod ng Meycauayan na gagamitin sa printing at packaging ng mga halal products.
Ayon kay DTI Provincial Director Zorina D. Aldana, lumagda sila ng kasunduan sa Islam Traders Halal Transaction Multi-Purpose Cooperative upang masiguro ang tiyak na tagumpay ng SSF sa pagibigay tulong sa mga micro, small and medium enterprises, pagdagdag ng empleyo at pag unlad ng industriya.
Dagdag pa ni Aldana na ito na ang pinakamalaking SSF sa buong Gitnang Luzon at hangad nilang marami itong matulungan na negosyante.
Kabilang sa mga makinang pinagkaloob ang Latex Print and Cut Machine, Flatbed Cutter at Digital Press na kayang magimprenta ng mga packaging at labels para sa iba’t ibang klaseng produktong pagkain sa merkado.
Ang mga makina ay sertipikadong eco-friendly at sumusuporta sa Green Economic Development.