Paalam Cong Tarzan

Ang DOBLE VISTA ay nakikiramay po sa pamilya ni Balibago Barangay Captain Carmelo “Tarzan” Lazatin na pumanaw ngayong araw na ito, December 12, sa edad na 84.

Noong Lunes habang kinikuha pa namin ang mga Christmas gifts ni Angeles City Councilor Pogi Lazatin, ating nasulyapan si Cong Tarzan na nakaupo sa harapan ng kanilang tangapan sa Jungle Base dito sa may Barangay Telabastagan. Wala sa aming premonisyon na iyon na pala ang araw na huli naming masisilayan ang batikang public servant.

Sa isang joint statement na ipinadala ng kanyang mga anak – ang mambabatas na si Rep. Carmelo “Jon” Lazatin II (Pamp-1st Dist.) at Angeles City Councilor Carmelo “Pogi” Lazatin Jr. kanilang sinambit ang pagkawala ng isang “magiting na serbisyo publiko at mapagmahal na ama.”

Hindi kaila ang mga naibahagi ni Cong Tarzan sa mga nangyayaring pagbabago sa unang distrito ng Pampanga – Angeles City, Mabalacat City at bayan ng Magalang. Mula 1987 hanggang 1998, si Cong Tarzan ay naging kinatawan ng unang distrito bilang isang mambabatas. Di bat itinuturing siya bilang “Father ng Mabalacat Cityhood” dahil siya ang naging author ng Republic Act 10164 Act na naglalayong gawing isang component city ang Mabalacat. Ngayon, ang Mabalacat City ay isa sa mga progresibong siyudad sa Pampanga.

Si Cong Tarzan din ang kinikilang “Father of Resettlement Centers” na naging daan sa pagsulpot ng mga resettlement centers sa Mawaque, Madapdap in Mabalacat, Epza in Angeles City and San Isidro and Sta. Lucia in Magalang, pagkatapos manalanta ang pagsabog ng Mt. Pinatubo.

Sa Angeles City, si Cong Tarzan ay nagbigay ng pabahay sa 15,000 pamilya. Dito rin ay naging computerized ang transaksiyon ng mga revenue generating offices. Sa ilalim din ng kanyang pamamahala, ang Angeles City ay nakakuha ng ISO certification noong 2002. Ito ang unang siyudad na nagkaroon ng ISO certification sa labas ng Maynila.

Iniwan man tayo ni Cong Tarzan, nandito naman ang kanyang mga anak na sina Cong Jonjon Lazatin at Konsehal Pogi Lazatin upang ipagpatuloy ang serbisyong Lazatin na tumatak sa puso ng mga Angeleno. Paalam Cong Tarzan at salamat sa iyong serbisyo.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews