LUNGSOD NG MALOLOS — Ginawaran ng Hall of Fame ng Bureau of Local Government Finance o BLGF ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan dahil sa tatlong taon na sunud-sunod na pag-angat ng koleksiyon ng buwis.
Ito ay pagkilala bilang lalawigan na may pangatlong may pinakamalaking Local Revenue Generation at Top 2 Highest Locally Sourced Revenues.
Sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na noong 2019, panglima sa listahan ng BLGF ang Bulacan na may pinakamataas na koleksiyon ng buwis sa mga lalawigan sa bansa na umaabot sa 679.22 milyong piso.
Sa taong 2020 sa kasagsagan ng pagtama ng pandemya ng COVID-19, nakakolekta pa rin ang Kapitolyo ng 1.7 bilyong piso mula sa iba’t ibang buwis na nakapailalim sa 2018 Revised Provincial Revenue Code.
Umangat pa lalo ang koleksiyon noong 2021 na naitala sa halagang 1.82 bilyong piso na kakambal ng pagiging pang siyam na lalawigan na may 78.2 porsyento na collection efficiency.
Iba pa ito sa nasa limang bilyong piso na natanggap na National Tax Allocation o NTA mula sa pamahalaang nasyonal.
Bukod sa NTA, kabilang din sa pinagkukuhanan ng koleksiyon ng Kapitolyo ang mga buwis mula sa mga ari-ariang hindi natitinag, upa sa mga commericial buildings na pag-aari ng Kapitolyo, environmental fees at mga upa sa mga event facilities gaya ng Hiyas ng Bulacan Convention Center, Bulacan Capitol Gymansium at Bulacan Sports Complex.
Para kay Fernando, patunay ito ng mataas na pagtitiwala ng mga Bulakenyo sa pamahalaang panlalawigan at maging ng mga nagpapasok ng pamumuhunan sa lalawigan upang makapagnegosyo na lumilikha ng trabaho.
Isa rin aniya itong kongkretong paghahanda ng pamahalaang panlalawigan sa pagsisimula na maipatupad ang Mandanas-Garcia Ruling ng Korte Suprema ng Pilipinas.
Sa pamamagitan nito, lubos na lalaki ang alokasyon na NTA dahil magkakaroon na ng bahagi ang mga pamahalaang lokal sa lahat ng uri ng buwis na ibinabayad sa pamahalaang nasyonal.
Kaugnay nito, bagama’t umiiral na ang Mandanas-Garcia Ruling, kinikilala ng gobernador ang pansamantalang pagbaba ng NTA na ipagkakaloob ng pamahalaang nasyonal sa 2023.
Bunsod ito ng limitadong fiscal space sa pambansang badyet ng 2023 dahil sa labis na naging paggastos noong mga taong 2020 at 2021 bilang paglaban sa pagtama ng pandemya.
Dahil dito, hinamon ni Gobernador Fernando ang financial cluster ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Provincial Treasury Office, upang tugunan ang magiging kabawasan sa Provincial Badyet ng 2023 na aabot sa 6.8 bilyong piso.
Ngayong 2022, umiiral ang Provincial Budget na nagkakahalaga ng 7.4 bilyong piso.