Pag-IBIG Fund, nagbukas ng Members Services Desk sa lungsod ng San Jose

Mayroon ng Members Services Desk ang Pag-IBIG Fund sa lungsod ng San Jose.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, ito ay sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Panlungsod ng San Jose na kung saan matatagpuan mismo ang Members Services Desk na hangad mailapit ang mga serbisyo ng ahensya hindi lamang sa mga residente ng siyudad kundi sa mga naninirahan o nagta-trabaho mula sa mga karatig na lugar. 

Tuwing una at ikatlong lunes ng kada buwan aniya ay mismong mga kawani ng Pag-IBIG Fund ang mangangasiwa sa paghahatid serbisyo at magpo-proseso ng mga tinatanggap na aplikasyon.

Samantalang mayroong itinalagang kawani ang pamahalaang lokal na sumailalim sa pagsasanay na hahalili at handang tumugon sa mga pangangailangan ng mga kliyente, sa pagtanggap ng mga aplikasyon sa mga araw na walang naka-iskedyul na kawani ng Pag-IBIG Fund. 

Pahayag ni Pasaraba, ito ay inisyatibo din ng tanggapan upang maibsan ang pila o naiipong kliyente na nagtutungo sa Cabanatuan Branch gayundin ay makatulong na makatipid sa panahon at gastos sa pagbiyahe ng mga kababayan.  

Lahat ng mga serbisyo na kailangan sa Pag-IBIG Fund ay maaaring ipasa o makuha sa Members Services Desk sa lungsod ng San Jose.

Sa unang araw pa lamang na pagbubukas ng tanggapan ay umabot sa 132 kliyente ang naserbisyuhan ng ahensiya.

Ibinalita din ni Pasaraba na mula sa kahilingan ng pamahalaang lungsod ng San Jose ay magtutungo ang Lingkod Pag-IBIG on Wheels sa siyudad sa darating na Setyembre 15 at 16. 

Kaniyang inaanyayahan hindi lamang ang mga residente ng San Jose pati ang mula sa mga karatig bayan at siyudad na tangkilikin ang paglapit ng mga serbisyo at programa ng kagawaran gaya ang pagpaparehistro bilang miyembro, malaman ang member savings o record, pagpapasa ng aplikasyon para sa Multi-Purpose Loan at Provident Benefit Claims, at marami pang iba.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews