Pagbabakuna sa mga senior citizen sa San Marcelino, sinimulan na

Sinimulan na ng pamahalaang lokal ng San Marcelino sa Zambales ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga senior citizen.

Nasa 51 na senior citizen na ang tumanggap ng bakunang Sinovac na isinagawa sa Municipal Vaccination Operation Center.

Ayon kay Mayor Elvis Ragadio Soria, mayroong 263 doses ng Sinovac vaccine ang dumating nitong Martes sa San Marcelino Rural Health Unit.

123 doses dito ay laan para sa mga senior citizen habang ang matitira ay laan para sa ikalawang dose ng mga frontline healthcare workers na nauna nang nabakunahan sa naturang bayan.

Nagpasalamat naman si Soria sa mga senior citizen na nakiisa sa isinagawang pagbabakuna kontra COVID-19. Aniya, ang pakikiisa nila ay napakahalaga.  

Samantala, ang Municipal Health Office naman ay nagpaalala sa mga senior citizen na magparehistro sa kanilang Barangay Health Center upang maitala ang kanilang pangalan at maiskedyul.

Paalala din ng pamahalaang lokal na patuloy na sumunod sa ipinapatupad na health and safety protocols upang makaiwas na magkaroon ng COVID-19.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews