TAPOS na ang problema ng mga residente sa barangay Tawiran, Paco at Lawa sa bayan ng Obando mula isa hanggang apat na talampakan tubig baha mula sa Manila Bay dulot ng pagkasira ng mga dike rito na sinira ng high tide dahil tuloyan na itong nagawa sa tulong ng Second District Engineering Office ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Kinumpirma ni Mayor-elect Leonardo “Ding” Valeda sa kaniyang post sa social media kung saan ay nagpaabot ito ng pasasalamat sa mga ahensiya na tumulong para maresolbahan ang kanilang problema at mapagawa ang mga nasirang dike.
Pinasalamatan ni Valeda sina District Engineer George Santos ng Bulacan 2nd DEO at sina Governor Daniel Fernando sa pamamagitan ng provincial engineers office sa pangunguna ni Engineer Glenn Reyes at Mayor Rex Gatchalian ng Valenzuela City na siya namang nag-donate ng floodgate.
Magugunita na unang nasira ang bahagi ng Paco dike at pagkaraan ng ilang linggo ay nadamay na ring masira ang mga dike sa bahagi ng Tawiran at Lawa gayundin ang Lawa Floodgate na nagdulot ng mataas na pagbaha sa mga nabanggit na lugar.
Hindi rin nakaligtas sa tubig baha ang ilang lugar sa Valenzuela City gaya ng Barangay Pulo, Wawang Pulo at Balangkas.
Dahil dito, agad na humingi ng tulong si Valeda kay Gov. Fernando, Mayor Gatchalian at sa DPWH na agad na umaksyon sa kaniyang request.Nitong Sabado, ang mga nasabing damaged structures ay tuluyan nang nagawa kung saan nilagyan ito ng mga sheet piles para pumigil sa tubig na nanggagaling sa Manila Bay .Ang Valenzuela City government ay nag-donate rin ng replacement floodgate ayon kay Valeda.