Pagbakuna kontra COVID-19 sa edad 5-11 sinimulan na sa Bataan

Sinimulan na nitong Martes, Pebrero 8, ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga batang nasa 5-11 taon sa Lalawigan ng Bataan.

Ito ay sinaksihan nila Bataan Gov. Abet Garcia kasama sina Bataan 2nd District Cong. Joet Garcia, Department of Health (DOH) Usec. Roger Tong-an, ASec. Maria Francia Laxamana, RD Corazon Flores at iba pang opisyal ng DOH.

Sa kasalukuyan, sa Bataan General Hospital and Medical Center (BGHMC) pa lamang ginaganap ang ganitong pagbabakuna para sa mga batang may edad 5 to 11.

Pinapayuhan ni Gov Garcia ang mga magulang ng mga nasabing batang menor de edad na kumuha ng appointment sa kani-kanilang rural health unit o lokal na pamahalaan para sa schedule ng pagbabakunang pinamamahalaan ng BGHMC.

Ang bakunang matatanggap ng mga batang may edad 5 to 11 ay ang brand na Pfizer dahil ito aniya ay may timplang mas naaangkop para sa kanilang edad.

Sa karanasan ng mga bansang USA at Singapore na nauna nang nagsimula ng pagbabakuna sa mga bata, napatunayan na ligtas at mabisa ito laban sa malulubhang sintomas ng COVID-19. Sa katunayan pa aniya, malaking porsyento ng mga batang nabakunahan sa nasabing mga bansa ay walang naramdamang side effects.

Nilinaw naman ni Garcia na hindi sapilitan ang pagbabakuna, subalit patuloy niyang hinihikayat ang lahat na tanggapin ang bakuna upang magpatuloy ang pagbubukas ng ekonomiya, kabilang na ang pagbabalik ng face-to-face classes.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews