Puspusan ang ginagawang anti-Anay initiative ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) upang matiyak na hindi kakapitan ng anay ang mga kahoy na istraktura kung saan nakalagak ang Museo ng Unang Republika.
Matatagpuan ito sa dating kumbento ng simbahan ng Barasoain sa lungsod ng Malolos. Ayon kay Ruel Paguiligan, kurador nitong museo ng NHCP, bahagi ito ng patuloy na preserbasyon sa kabuuan ng simbahan ng Barasoain na kapwa isang pambansang pook at pambansang dambana na idineklara ng NHCP noong 1973.
Pangunahin sa mga nilagyan ng lason laban sa anay ang mga bubungan, kesame, haligi, saligan at lahat ng mga kaugnay na istraktura na pawang mga kahoy. May halagang P700 libo ang inilaan ng NHCP para sa proyektong ito na target matapos sa Enero 23 kasabay ng pagdiriwang ng Ika-124 Taong Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas.
Bukod sa pagiging isang kumbento, sa lugar ding ito itinatag ang Literaria Cientifica Universidad de Pilipinas noong Oktubre 19, 1898. Ito’y bilang paunang pagtalima sa pinagtibay ng Kongreso ng Malolos na nagbibigay ng karapatang makapag-aral ang mga karaniwang mamamayan.
Tampok sa Museo ng Unang Republika ang mga batayang pangkasaysayan ng NHCP kung gaano kalaki ang naging papel ng simbahan ng Barasoain at ng kumbento nito sa pagsasabansa ng Pilipinas.
Mula sa pagbubukas ng sesyon ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 15, 1898 na naging simulain sa pagbibigay ng mga karapatang sibil sa mga mamamayan gaya ng pagkakatamo ng edukasyon, pagpili ng relihiyon, makapag-ari, makaboto at maiboto, makapagpahayag ng saloobin, makapagtipon at iba pang gaya nito.
Makikita rin dito kung paano naipaloob sa mga probisyon ng Saligang Batas ng 1899 ang nasabing mga karapatan na pinagtibay naman noong Enero 21, 1899. Ito ang nagsilbing pundasyon upang mapasinayaan ang Pilipinas bilang isang Republika noong Enero 23, 1899. (SFV/PIA-3/BULACAN)