Paggamit ng PRRP-3, inirekomenda ng SSS sa delinquent employers sa SJDM

Iniaalok ng Social Security System o SSS San Jose Del Monte branch sa mga employer na hindi nakakapaghulog nang regular ang paggamit sa Pandemic Relief and Restructuring Program o PRRP-3.

Ito ang isa sa mga condonation program ng ahensya upang mabigyan ng pagkakaataon ang mga delinquent employer makapagbayad ng lahat ng mga hindi naihulog na kontribusyon para sa kanilang mga empleyado. 

Ayon kay SSS San Jose Del Monte branch manager Winda Agustin, kalakip sa paghuhulog ang mga penalties at interes hanggang Nobyembre 22, 2022.

Iyan ang naging sentro ng ginawang R.A.C.E. o Run After Contribution Evaders campaign sa unang anim na delinquent employer sa lungsod.

May inisyal na halagang 8.4 milyong piso ang target na makolekta sa nasabing mga employer sa pamamagitan PRRP 3.

Ang naturang halaga ay bahagi ng nasa 56 milyong piso na dapat pang makolekta mula sa 1,433 na mga delinquent employers. 

Aabot naman sa 1,114 na mga employer ang regular na naghuhulog ng kontribusyon para sa kanilang mga empleyado na nakabase sa lungsod ng San Jose Del Monte.

Binigyang diin naman ni SSS Luzon Central 2 Division Vice President Gloria Corazon Andrada na pangunahing layunin ng kampanyang R.A.C.E. at ng PRRP 3 na mapangalagaan ang karapatan at kapakanan ng mga karaniwang manggagawa sa pribadong sektor.

Bahagi ito ng pagpapabuti sa kalagayan ng mga manggagawa at gayundin ang mapangalagaan ang hanapbuhay ng mga employer.

Non-probation o hindi makakapagpiyansa ang mga employer na mapapatunayang lumabag sa mga patakaran ng SSS.

Aabot din ng halagang 72 libong piso ang bond kapag pormal nang gumulong ang proseso ng kaso sa korte. 

Kaya’t mas mabuti aniyang bayaran na lamang ng mga delinquent employer ang mga obligasyon kaysa masampahan ng kaso na mas malaki ang magagastos sa paglilitis.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews