Paggamit ng social media dapat maging responsable – Fernando

Nanawagan si Governor Daniel R. Fernando sa mga Bulakenyo na maging responsable sa paggamit ng social media upang hindi magdulot ng pangamba sa mga mamamayan.

Ito ay kaugnay ng kumakalat na maling impormasyon online tungkol sa mga kababaihan na nawawala.

Ayon kay Fernando, matapos niyang makita ang mga posts sa iba’t ibang social media platforms hinggil sa kaso ng mga nawawalang kababaihan sa Bulacan ay agad niyang ipinag-utos sa kapulisan na magsagawa ng imbestigasyon.

Sa report ni Police Provincial Director PCol. Charlie Cabradilla, base sa kanilang imbestigasyon karamihan sa mga naiulat na kaso ay sanhi ng “domestic issues” at hindi dahil sa mga sindikatong grupo na diumano ay kumukuha sa mga kababahihan

Ipinaliwanag ni Cabradilla na ang iba pang naiulat na nawawala ay may kanya-kanyang rason.

Paliwanag ng hepe ng kapulisan sa lalawigan, ang isang nawawalang kabataan ay naglayas lamang sa kanilang tahanan at ang isa naman ay nag group-outing na hindi nagpaalam sa kaniyang magulang.

Patunay ang ginawang pagpresenta sa isang nawawala na natagpuan at sinabing wala ni isang insidente na nagsasabing mayroong sindikato na dumudukot sa mga kabataang kababaihan.

Samantala, iniutos ni Fernando sa kapulisan na magsagawa ng masusing imbestigasyon at pagsumikapang maresolba ang kasong kinasasangkutan ng pagkamatay ng isang dalaga mula sa bayan ng Guiguinto.

Agad ring ipinag-utos ng punong lalawigan na magsagawa ng pagpupulong kasama ang mga opisyal ng barangay upang paigtingin pa ang seguridad gaya ng pagroronda tuwing gabi at 24-hour police visibility.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews