Paggunita sa 122nd Independence Day parangal sa mga frontliners sa Bulacan

Inialay ng mga Bulakenyo sa mga frontliners ng iba’t ibang propesyon sa paglaban sa sakit na corona virus disease (COVID-19), ang pagdiriwang ng Ika-122 Taong Anibersaryo ng Proklamasyon ng Kalayaan ng Pilipinas sa lalawigan ng Bulacan.

Sa ginanap na pagdiriwang nitong Biyernes sa gitna ng bumubuhos na ulan na dulot ng bagyong ‘Butchoy’, ipinaskil ng mga opisyal ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel Fernando at Malolos City Mayor Gilbert ‘Bebong’ Gatchalian ang mga karatula ng pagpapasalamat sa mga frontliners matapos mag-alay ng bulaklak sa monumento ni Pangulong Emilio Aguinaldo at maitaas ang watawat ng Pilipinas. 

Nakasaad ang dalawang salitang ‘Salamat Frontliners’ na siyang diwa rin ng tema ng pagdiriwang ngayong taon na “Tungo sa Malayang Bansa, Nagbabayanihan at Ligtas”. 

Dito binigyang diin ni Gob. Fernando na “walang makakapigil sa pagtataas ng bandila ng Pilipinas at sabay-sabay tayong patuloy na lalaban sa sakit na ito.”

Ibinalita rin niya na ‘stable’ o matatag ang kalalagayan ng Bulacan hinggil sa pagsugpo sa sakit na COVID-19 napatunay aniya rito ang ilang araw nang hindi pagtaas ng bilang ng mga namamatay na nanatili pa rin sa 31 ang bilang ng mga namatay mula pa noong isang linggo.

Kaugnay nito, ipinahayag ni Mayor Gatchalian na ang ganap na Kalayaan sa sakit na COVID-19 ay nakasalalay sa pagbabayanihan at disiplina na makasunod sa mga alintuntunin para sa ikagagaling ng lahat.

Bukod dito, ibinalita rin ng punong lungsod na nilagdaan niya ang isang kapasyahan na ipinasa ng Sangguniang Panglungsod ng Malolos na nagbibigay kapangyarihan na mapagkalooban ng tig-P2 libo ang mga frontliners sa barangay bilang bahagi ng pagpapahalaga sa kanilang mga sakripisyo ngayong may pandemya.Samantala, kabilang ang Pook Makasaysayan ng Simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito sa mga pangunahing lugar sa bansa na sentro ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan. 

Sa simbahang ito nagkabisa ang ipinoroklamang Kalayaan ni Pangulong Aguinaldo noong Hunyo 12, 1898 sa pamamagitan ng ratipikasyon ng Kongreso ng Malolos noong Setyembre 29, 1898 kung saan ito rin ang naging pundasyon upang maibalangkas at mapagtibay ang Saligang Batas ng 1899 na nagresulta sa pagpapasinaya sa Pilipinas bilang isang republika noong Enero 23, 1899.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews