Tinututukan ni Gobernador Daniel R. Fernando ang paghabol sa mga iligal na operator ng quarrying sa Bulacan, ngayong suspendido ang lahat ng uri ng pag-quarry at pagmimina sa lalawigan.
Pinakabago sa mga nasabat ang iligal na operasyon ng paghuhukay ng mga batong Scombro o Bulik sa Barangay Camangyanan sa Santa Maria, Bulacan.
Ayon kay Atty. Juvic Degala, pinuno ng Bulacan Environment and Natural Resources Office (BENRO), isa itong high-end na mga bato na nakadeposito sa lugar na ito sa mahabang panahon.
Nabuo aniya ang mga batong Scombro mula sa mga lava na ipinutok ng mga bulkan noong pre-historic period, kung saan ang katauhan ay umaasa sa mga inukit na mga bato para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Natuklasan ng BENRO na iligal na namimina ito sa Santa Maria sa nakalipas na 30 taon. Ikinubli ito sa pamamagitan ng kunwaring palaisdaan at bukirin kung saan inilulubog at ibinabaon sa ilalim ang nasabing mga batong Scombro.
May laking limang ektarya ang inisyal na nadiskubre na pinagmiminahan nito sa barangay Camangyanan na naglalaman ng nasa 29,625 cubic meters na mga batong Scombro.
Sa inisyal na pagtataya ng BENRO, aabot sa P20 milyon ang halaga ng mga minang ito. Habang nasa P5 milyon kada cubic meters ang potensiyal na dapat ay nakokolektang buwis ng Kapitolyo kung legal ang pagmimina.
Karaniwang ginagamit ang mga batong Scombro sa mga landscaping ng mga gardens at ito rin ang mga materyales na ginagamit sa mga restorasyon ng mga matatandang istrakturang ipinagawa pa noong panahon ng mga Kastila.
Nasa limang indibidwal na sinasabing mga may-ari ang inaresto at kasalukuyang nasa kostodiya ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP). Pormal na ring nagsampa ng kaso sa piskalya ang BENRO laban sa nasabing mga gumawa ng iligal na pagmimina.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni Gobernador Fernando na habulin din ang mga dating namumuno sa pamahalaang barangay at pamahalaang bayan upang pagpaliwanagin kung bakit tumagal ng 30 taon ang iligal na operasyon. Pinapaimbestigahan din niya kung direktang nasangkot ang mga opisyal dito at nangakong sasampahan ng kaso ang dapat makasuhan.
Samantala, ayon pa kay Atty. Degala, ang P20 milyon na halaga ng mga nasabat na Scombro ay dumagdag sa nasa P30 milyong halaga ng iba’t ibang mga mineral at bato na naunang nakumpiska ng BENRO mula sa noong Enero 2022, kung kailan naglunsad ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga illegal quarrying at mining.
Tiniyak din niya na ang operasyon ng Kapitolyo ay kinakatigan ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, Kapasiyahang Panlalawigan C-005 o ang Revised Provincial Environmental Code of 2011 at ng Executive Order 21 ni Gobernador Fernando tungkol sa suspensiyon ng quarrying at pagmimina. (SFV/PIA-3/BULACAN)