LUNGSOD NG MALOLOS — Sistematikong kinokontrol ng Department of Trade and Industry o DTI ang presyo ng mga pangunahing bilihin ngayong umiiral ang Enhanced Community Quarantine o ECQ.
Iyan ang binigyang diin ni Hernani Dionisio, Director-in-Charge ng DTI-Bulacan, sa kanyang pakikipagpulong kay Gobernador Daniel Fernando sa kapitolyo.
Bukod sa pag-iral ng ECQ, nakapailalim ang Pilipinas sa State of Public Health Emergency at State of Calamity kaya umiiral ang price freeze.
Tinukoy ng DTI Bulacan na pangunahing bilihin ang mga canned sardines in tomato sauce, condensed milk, condensada, evaporated milk, evaporada, kape na 3-in-1, kape na refill, detergent at panlaba na sabon, instant noodles, iodized salt, loaf bread, pandesal, purified water, mineralize water at kandila.
Samantla, pinaigting din ng DTI Bulacan ang kampanya laban sa labis na pag-iimbak ng mga bilihin o hoarding na dulot ng pagpa-panic buying.
Nagpapatupad ng partikular na patakaran ang ahensya sa sistema ng pagbili at pagbebenta ng mga alcohol, hand sanitizers, hand gels at iba pang disinfectants.
Kaya’t kontroladong ibinebenta ang mga ito na limitado sa dalawang bote o dalawang piraso.
Ayon pa kay Dionisio, ginagawa ito upang maiwasan ang pagkakaroon ng artipisyal na kakulungan sa suplay ng mga produktong sinasabing makakatulong upang hindi dapuan ng coronavirus disease.
Kaugnay nito, nagkabit ang DTI Bulacan ng mga paskil sa mga pamilihan na naglalaman ng listahan kung gaano lamang ang bilang ng mga dapat bilin sa isang partikular na produkto. Bahagi rin ito ng kampanya laban sa Anti-Hoarding at Anti-Panic Buying.
Para sa mga pagkain, hanggang limang pakete lamang ng kahit na anong brand ng noodles, mami o pancit canton ang uubrang mabili. Sa de-latang Sardinas, limang lata kung regular size at tatlong lata kung malaki.
Sa de-latang gatas, limang lata sa maliliit at dalawang lata sa mas malalaki. Kung nakapakete naman na powdered milk ay hanggang dalawang bundle ang mabibili. Ganito rin ang sistema sa kape.
Ang loaf bread ay mabibili hanggang apat na pakete kung kalahati at dalawang pakete kung isang buo. Isinama na rin pati ang sistema sa pagbili ng tubig na nasa bote; hanggang 10 bote kung maliliit, walo sa katamtaman, lima sa malalaki at dalawa sa mas malalaki o nakalagay sa galon.
Samantala, naglabas ng Memorandum 032720-96 si Fernando upang ma-reactivate ang Price Coordinating Council na makakatuwang ng DTI-Bulacan na mapanatili ng tamang presyo ng mga pangunahing bilihin. Titiyakin din nito na naipapatupad ang mga patakaran kaugnay ng kapakanan ng mga mamimili.