LUNGSOD NG MALOLOS, Hunyo 1 (PIA) — Muling nagpapatuloy ang pagbabaon ng mga bagong tubo ng tubig para sa pagkukumpleto ng Bulacan Bulk Water Supply Project o BBWSP sa Malolos.
Partikular dito ang mga tubo ng distributor utility nito para sa lungsod na Prime Water Infrastructure Corporation.
Ayon kay Engr. Kenneth Victoria, technical operations head ng naturang distributor utility, may 1.2 kilometrong tubo na lamang ang ibinabaon upang makumpleto ang kabuuang 15 kilometrong linya ng tubig sa lungsod.
Iniba rin ang ruta ng tatahakin ng mga tubo sa halip na ibaon sa ilalim ng kahabaan ng Paseo Del Congreso sa direktiba ni Mayor Gilbert Gatchalian.
Layunin nito na hindi makapagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa nasabing pangunahing lansangan na nagsisilbing financial district ng Malolos.
Ipinaliwanag ni Victoria na bagama’t bahagyang dadaan ng ilang metro sa Paseo del Congreso mula sa crossing ng Manila North Road, hindi na ito dederecho papunta sa tapat ng Casa Real kundi ikakanan na ito sa barangay Catmon.
Kakaliwa sa harapan ng Malolos Integrated School-Catmon campus, babaybay sa likod ng simbahan ng Barasoain sa barangay San Gabriel, tatawid sa may bisita ng barangay San Agustin at lalabas sa barangay Caingin sa tapat ng isang bookstore.
Mula rito, papasok sa kabayanan kung saan magbubungkal sa harapan ng Katedral ng Malolos upang maikabit sa nailatag nang tubo sa may barangay Sto. Nino.
Bagama’t tatahak na lamang sa mga loobang lansangan sa bahaging ito ng Malolos ang pagbabaon ng mga tubo, nag-abiso pa rin si Gatchalian na asahan ang pagkakaroon ng mabagal na daloy ng trapiko dahil sa pagsasara ng ilang linya ng mga daan.
Target makumpleto ang proyekto bago matapos ang taong 2020 na dapat ay natapos na nitong tag-araw. Pansamantalang nahinto ang proyekto nang isailalim ang Luzon sa Enhanced Community Quarantine.
Ang paglalatag ng mga tubo nitong distributor utility ay magpapadaloy ng tubig mula sa main line pipes ng generator utility na Luzon Clean Water Development Corporation ng San Miguel Corporation.
Magmumula ang tubig sa water treatment facility na nasa lungsod ng San Jose Del Monte kung saan hinihigop nito ang alokasyong tubig para sa BBWSP sa Angat Dam na nasa Norzagaray.