LUNGSOD NG MALOLOS — Sumentro sa pagsusulong na maging mas malakas ang mga Regional Development Councils o RDCs at ganap na pagreporma sa natatanggap na Internal Revenue Allotment o IRA ng mga pamahalaang lokal ang pinaigting na kampanya upang maamyendahan ang Saligang Batas.
Sa kanyang mensahe sa isinagawang Virtual Kapihan for Central Luzon media, sinabi ni Professor Alfredo Sureta na ang unang haligi na isinusulong ng Constitutional Reform Movement ay Pagyamanin ang Probinsya, Paluwagin ang Metro Manila.
Aniya, mapapalakas ang mga RDC kung mabibigyan ito ng kapangyarihan na makapagplano, makapagbuo, makapagsubaybay at makapagpatupad ng mga proyekto ng pamahalaan.
Sa kasalukuyan, ang RDC ay may kapangyarihang magrekomenda sa pamahalaang nasyonal ng mga partikular na proyekto na sa kanilang paniniwala, ay magdudulot ng positibong pagbabago para sa mga bayan, lungsod o lalawigan.
Pero walang kapangyarihan ang RDC na magpatupad ng proyekto at nananatili lamang hanggang sa rekomendasyon.
Kalakip ng panukalang palakasin ang mga RDC ay ang paglalaan ng limang porstento ng IRA para magugol sa pagpapatupad ng mga proyekto.
Base sa sections 6 at 14 ng Article X ng Saligang Batas ng 1987, ang IRA ay 40% perang bahagi ng mga pamahalaang lokal mula sa mga kita ng pamahalaang nasyonal.
Sa kasalukuyang sistema, ang mga batayan sa pagkakaloob ng IRA ay ang dami ng populasyon at laki ng lupain ng isang bayan, lungsod o lalawigan.
Sa pagkakalabas ng Mandanas Ruling ng Korte Suprema tungkol sa angkop na kompyutasyon ng IRA, ipinapasama na maging batayan ang poverty incidence, geographic peculiarities, level of own-space revenue at level of financial management revenues.
Nakapaloob sa nasabing desisyon na hindi lang sa buwis na nakokolekta ng Bureau of Internal Revenue ang dapat pagkuhanan ng IRA.
Ipinapasama ng Mandanas Ruling na magkaroon ng bahagi ang mga pamahalaang lokal sa mga nakokolektang buwis sa stamp tax, franchise tax, estate tax, travel tax, taripa at iba pang uri ng buwis ng pamahalaang nasyonal.