Binigyang diin ng pamahalaang panlalawigan na mahalaga pa rin ang pagpapalalim o dredging sa mga kailugan ng Bulacan upang maibsan ang malawakang pagbabaha.
Sa kanyang isinagawang inspeksyon sa mga dredging activities, sinabi ni Gobernador Daniel Fernando na bagamat hindi ito ang permanenteng solusyon, makakatulong pa rin ito upang mabawasan ang paghihirap ng mga residente sa nararanasang baha at high tide.
Binanggit pa ng gobernador na nakikipag-ugnayan na rin sila sa Department of Public Works and Highways para sa pagtatayo ng mga dike, pumping stations, flood gates at pagtaaas ng mga river wall.
Kabilang sa mga hinuhukay ang Balite Creek sa barangay Balite at Apulid Creek sa barangay Longos sa lungsod ng Malolos.
Kasama rin ang Sapang Bangkal sa San Isidro at Ilog Hagonoy, San Agustin sa bayan ng Hagonoy.
Patuloy rin ang dredging project sa barangay Bulihan, Barihan, Santissima, at Mojon sa lungsod ng Malolos.
Target ng walong dredging sites ang 35,000 cubic meters na volume ng lupang mahuhukay.
Sa parte naman ng Provincial Engineer’s Office ay apat na karagdagang backhoe ang ideneploy para makatulong sa paghuhukay.
Sa huli nanawagan si Fernando sa mga Bulakenyo na makiisa sa pagprotekta ng kalikasan sa pamamagitan nang hindi pagtatapon ng basura sa mga anyong tubig na maaaring magdulot nang pagkasira ng kalikasan.